Wednesday, November 4, 2009

Kaisang Diwa at si Chiz Escudero

Habang abala ako sa pakikinig ng mga salita ng Dios nitong Sabado, tumino sa aking isipan at puso ang mga katagang “Kaisang diwa”. Bilang Historyador, batid ko ang kahalagahan nito sa sikolohiya at kasaysayan ng bansang ito. Ngunit, sa panibagong pagkakataon, batid ko sa aking puso’t isipan ang kahalagahan nito lalo na sa muling pagbabago ng ating bansa.

Ang katagang “kaisang diwa” ay ginagamit lamang ng mga matatas mag-Filipino. Ibig sabihin nito, ang laya ng pagkakaloob ng sarili, kapwa ng isipan at puso, sa iisang adhikain. Maaring ang adhikain ay ang pagpapalaganap ng isang paniniwalang pang-relihiyon. O dili kaya’y ang paggamit nito sa paglikha ng isang matatag na lipunan.

Mayroong katawagan ang mga Aleman sa terminong “kaisang diwa” at ito ay ang zeitgeist. Ang salitang ito ay nangangahulugan ng kolektibong kamalayan. Kadalasan, umuusbong ang kolektibong kamalayan sa laya ng pakikipag-usap o pakikipagtalastasan. Sa sintesis ng magkakaibang pananaw, lumulutang ang kamalayan.

Sa kasaysayan ng Pilipinas, naganap ang kaisang diwa noong 1898 nang magtipon-tipon ang mga Pilipino upang pabagsakin ang dayuhang pamamahala. Noong 1898, iba-iba ang naisin ng mga Pilipino tungo sa pagbabago. Mayroong pabor na gawin na lamang probinsya ang Pilipinas; samantalang kalayaan naman ang nais ng mga Indio. Naging konkreto na lamang ang adhikain sa paglikida kay Dr. Jose Rizal, na siyang naging hudyat maging sa mga Ilustrado na talikdan ang kampanyang Propaganda at lumusong na lamang sa daang rebolusyunaryo.

Sa daan ng Kaisang Diwa, nalusaw ang sosyo-ekonomikong kategoryang Indio at Ilustrado. Naging konkretong kamalayan sa bawat isa ang konseptong Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Lumipas pa ang mga karanasan at naging Diwa ang pagiging Pilipino. Ang katagang “Pilipino” ay sumalamin sa kamalayang bunga ng pagkawala o pagkalusaw ng kalagayang Indio at Ilustrado.

Taliwas sa akala ng ilang historyador, nagpatuloy ang kaisang diwa noong panahon ng mga Amerikano, ng hapon at maging sa kasalukuyang panahon. Umuusbong ito sa mga panahong sadlak sa suliranin ang bayan.

Ang magandang halimbawang ipinakita ni Senador Richard Gordon nang pamunuan niya ang rekonstruksyon ng Clark at Subic ay sulyap sa malaking potensyal ng kaisang diwa. Bagamat ipinakahulugan ni Gordon ang salitang ito sa "boluntarismo", o kaya'y "bayanihan", hindi mapasubaliang kaisang diwa ang nagbunsod sa mga Pilipino sa iba't-ibang lupalop na tugunin ang panawagan ni Gordon na tumulong sa pagtatayong muli ng mga iniwanang base ng mga kaso.

Huli nating nasulyapan ang pag-usbong ng kaisang diwa noong panahong lubog sa baha ang buong Kamaynilaan dulot ng Bagyong Ondoy. Isa-isang nagbigay ng kanilang tulong o abuloy ang mga Pinoy. Kung susumahin, lampas isang bilyong piso ang nalikom ng mga organisasyon bilang tulong sa mga Pilipinong nasalanta ng bagyo. Nagpapatuloy ito sa kasalukuyan bilang tanda na ang Kaisang Diwa ay hindi isang penomenang panandalian; kundi isa itong katangiang nakatatak na sa bawat isa, na handang umusbong sa tawag ng pangangailangan.

Muli, midya ang naging kasangkapan ng pagpapalaganap ng kaisang diwa. Kung noong unang panahon, mismong mga kaganapang nakita o nasulyapan o dili baga’y narinig lamang ng mga Pilipino ang naguudyok sa kanila upang maki isang Diwa, makabagong teknolohiya naman ngayon ang ginagamit upang makalikha ng adhikain tungo sa kaisang Diwa.

Ito ang punu’t-dulo ng panawagan ni Senador Chiz Escudero nang siya ay mangusap sa mga Pilipino noong Oktubre 27 sa Club Pilipino. Akala ng iba, ang pagbibitiw niya sa Nationalist People’s Coalition (NPC) ay tanda ng kanyang naivete o kamangmangan sa galaw ng pulitika sa bansa, ngunit, kung titignan, isa itong taktikal na galaw na may layuning kakaiba.

Batid ni Escudero ang konsepto ng kaisang diwa. Isa itong puwersang maaaring makapagpabago sa sistemang pampulitika sa bansa, kung ito lamang ay maaalagaan at maoorganisa ng maayos. Alam din ito ng mga tao sa likod ni Senador Noynoy Aquino. Nakita ito maging noong idinadala sa huling hantungan ang kanyang inang si Cory Aquino, at patuloy itong buhay maging sa kasalukuyan.

Ang galaw ni Escudero sa ngayon ay sa tunguhing ma-organisa ang Kaisang Diwang ito. Kumbaga, kung umuusbong lamang ito sa panahon ng trahedya, maaaring ma-idirekta ang galaw nito sa tunguhing pampulitika. Papaano magiging ganap ang gayong layunin?

Una, kailangang maipamukha ni Escudero sa mga Pilipino ang esensya ng kolektibang paggalaw sa panahon ng rekonstruksyon. Kailangang ipamukha ni Escudero na hindi lamang trahedyang dulot ng kalikasan ang nararapat na bigyang atensyon sa rekonstruksyon kundi ang matagalang trahedyang dulot ng masamang pulitika.

Ikalawa, kailangang kumbinsihin ni Escudero ang taumbayan na siya ang karapat-dapat mamuno sa kilusan ng rekonstruksyon. Batid ng lahat ang kahalagahan ng pagpusisyon ni Escudero bilang isang social engineer---inhinyerong ang layunin ay ang pagbuong muli ng mga nawasak na institusyong pampamahalaan sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Magiging epektibo si Escudero kung kanyang maisasa-damdamin sa mga Pinoy na sa pamamagitan ng kaisang diwa ito matutupad.

Ang katuparan tungo sa Kaisang Diwa ay mangangahulugan ng paglusaw ng iba’t-ibang pananaw pulitika (mga “ismo”) at paglikom nito sa iisang Ideya o tunguhin. Kumbaga, nasasa estahe ng paglalang ang Kaisang Diwa kung mapapamunuan ni Escudero ang uusbong na kilusan. Batid ni Escudero na epektibong mga organisador ang iba’t-ibang NGO at People’s Organizations, tulad ng Bayan, Sanlakas, Akbayan, CODE NGO, PRRM, Partido ng Lakas ng Masa (PLM) at iba pa. Kung mapapagsanib ni Escudero ang kanilang mga lakas at sa kalauna’y makapagbuo ng iisang kilusan, may malaking tsansa itong magtagumpay. Bakit kamo?

Higit kailan man, napapanahon ang pag-usbong ng isang ikatlong puwersang pampulitikal. Ngayon magtatagumpay ang isang third force bunga na rin ng paghina ng mga tradisyunal na partido pulitikal (ang unti-unting paglusaw ng mga kaanib sa Lakas-KAMPI-NUCD, lipatang umaatikabo sa Nationalist People’s Coalition at paghina rin ng UNO). Sa kalaunan, iisa lamang ang matitirang matatag na tradisyunal na partido pulitikal at iyan ay ang Nacionalista Party sa ilalim ni Manny Villar. Sa pagsasanib lakas nina Villar at Legarda, maaaring ito ang maging major political party to beat sa darating na halalan. NGUNIT, maaari pa ring magupo ito kung isa-isang iiwanan ng mga grassroots organizers ang mga trapong pulitiko at magkaisang sumanib kay Escudero.

Papaano ang Partido Liberal kung gayon? Sa pag-usbong ng kilusang pamumunuan ni Escudero, maaaring malusaw din ang pang-ibabang lakas nito at tuluyang magupo sa halalan. Kung makukuha ni Chiz ang panggitnang puwersang pang-ekonomiko, mauubusan ng arsenal sina Noynoy Aquino sapagkat aminado maging ang mga Liberal na sandal haligi nila ang middle class. Kaiba ngayon ang katangian ng middle class---agresibo, may naisin sa pagbabago at progresibo. May malaking tsansa ang uring ito na makipag Kaisang Diwa, kung matatanto nila ang marubdob at malinis na layunin ni Escudero.

Magaganap lamang ito kung madodominahan ni Escudero ang tradisyunal at makabagong midya. Higit kailan pa man, importante kay Escudero na ipagtalastas sa sambayanang Pilipino ang kanyang malinis na hangarin sa pagbabago AT tuloy-tuloy na makipag-usap sa mga grupong progresibo at repormista sa tunguhing paglikha ng iisang kilusan. Kakailanganin niya ang panahon at sanlaksang milyong pisong pondo upang matupad ito sa kakapiranggot na oras na nalalabi para sa kanya bago ang a-treinta ng Nobyembre. Sa kalaunan naman, sa pakikibakang kanyang susuungan at sinusuungan, makakamit niya ang layunin kung kanyang isusulong at ipaglalandakan ang kanyang progresibong plataporma. Ito ang susi ng kanyang tagumpay. Ang paghahayag din ng kanyang plataporma ang maghahatid sa kanya sa rurok ng liderato ng kilusan ng pagbabago.