Friday, July 12, 2013

Ang tiyak na kapalaran ng mga nagnanakaw sa taumbayan---ang Hustisya ng Haring Ama

Muling nagbalik sa aking alaala ang madilim na trahedya ng ating kasaysayan nang ipalabas ng Kataas taasang Hukuman ang kanilang desisyon hinggil sa tunay na magmamay-ari ng UCPB. Sa desisyon, muling lumabas ang mga pangalang Eduardo Cojuangco, Edgardo Angara, Jose Concepcion, Teodoro Regala, Avelino Cruz, Rogelio Vinluan, Eduardo Escueta at Paraja Hayudini ng Angara, Concepcion, Cruz, Regala and Abello law offices (ACCRA), mga indibidwal na ginamit ang kanilang katalinuhan upang linlangin tayong lahat.

Sa nasabing desisyon, napag-alaman ng Kataas-taasang hukuman na ginamit ng ACCRA Investments Corporation ang kanyang impluwensya upang manipulahin ang 15 million shares o mahigit 3.3% ng total outstanding capital stock ng United Coconut Planters Bank, isang bangkong inilaan upang mapabuti ang kalagayan ng mga magsasaka ng niyog.

Ang mga pangalang ito ang nagsilbing tagapagluto ng isang iskemang tila nagluto sa mga magsasaka sa sarili nilang mantika. Isipin ninyong perang nakolekta sa mga naghihirap na ngang mga pamilyang magsasaka ang siyang ginamit para maitayo ang bangko at halin-hinang pinakialaman diumano ng mga taong ito sa pamamagitan ng isang korporasyon ang pinaghirapang kitain ng mga magsasaka.

Nakapanghihilakbot ng laman ang ginawang ito ng mga "tinitingalang" pangalang ito. Hindi ko maisip na nakakatulog pa at nakakain ng tama ang mga taong ito gayung batid nila sa kanilang mga bituka na biniktima nila ang kanilang kapwa tao.

Nawalan na siguro ng abdo ang mga taong ito na siyang pinag-aral natin ng libre sa Pamantasan ng Pilipinas at nang makatapos, ay siya pang nagsisilbing taganakaw o taga-agaw ng ating sariling perang pinaghirapan at pinagtrabahuan.

Tunay na nakapangangalit ng laman na sa kabila ng mga ginawang kasalanan ng mga taong ito, tuloy tuloy nating pinupuri sila at ang iba'y ginawa pang mga opisyales de gobyerno at senador.

Isang kakapalan lalo na ke Senador Edgardo Angara ang patuloy na gawing adbokasiya ang pagsasaka gayong alam ng lahat na nakinabang siya noong panahon ng diktadurya sa pagsisikap at pawis ng magbubukid ng niyog.

Kung titignan, tanda ng kanyang kawalang latoy na legasiya ang lalawigan ng Aurora na hanggang ngayon ay patuloy na naghihirap at isang lalawigang ni hindi man lamang naisayos ang mga daan patungo dito.

Sa desisyong ito, matingkad pa sa sikat ng Haring Araw ang ginawang panlilinlang, panggagantyo at pagnanakaw ng pawis ng iba ang ginawa ng mga taong ito. Hindi man lamang nakonsensya ang mga taong ito na magnakaw sa mga mahihirap. Ginawang palabigasan para sa pansariling kapakanan ang masang magbubukid at sa kakapalan ng kanilang mukha ay humaharap pa sa taumbayan gayung ang kanilang baru't pinangkakain sa kanilang mga pamilya ay galing sa pinaghirapan ng kapwa Pilipinong sakdal sawi sa buhay.

Hindi man mabawi ng sambayanan ang mga ninakaw na perang ito. Hindi man maibalik ng mga taong ito ang kanilang mga pinanlinlang, pero, ako ay nananalig sa hustisya ng makapangyarihang Ama.

Darating din ang hustisya mula sa kaitaas-taasang Dios na Siyang dudurog sa mga buto, kalamnan at kinabukasan hindi man ng mga taong ito, kundi alalaong baga'y, sa kanilang mga anak, apo at apo-apohan.

Magaganap ang isang nakapangyayaring bagay na siyang magpapaalala sa mga taong ito ang ginawa nilang pagwasak sa tiwala ng taumbayan.

Uusigin sila, hindi lamang ng kanilang konsensya kundi ng Kamatayan sa sandaling taning ng kanilang mga buhay. Hahalbutin ng Kamatayan ang kanilang mga kaluluwa mula sa kanilang mga katawan at hahaltakin ang mga walang silbing mga kaluluwang ito sa kumunoy ng nagbabagang apoy ng impiyerno.


No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!