Thursday, August 22, 2013

Mga kawatang nagsadlak sa atin sa Kamangmangan hanggang kasalukuyan

Sang-ayon kay Grace Pulido-Tan, punong abala ng Commission on Audit, mayroon na silang mga nakitang anomalya sa paggamit ng pondo ng bayan noon pang 1998. Ibig sabihin, kulang kulang dalawang dekada nang napapaglaruan ng mga pulitiko sampu ng kanilang mga galamay ang kaban ng bayan. Sa paglalaro nila ng mga kayamanang pinagpawisan ng Sambayanang Pilipino, nanatiling sadlak sa kahirapan at kagutuman ang mga Pilipino.

Sa bawat bilyong pisong nawawala, ilang libong kilometro sana ng mas mabuting kalidad na drainage ang naipatayo, ilang daan sana ang mas napabuti at ilang eskwelahan sana ang naipatayo.

Sa totoo lang, kasalanan din nating lahat ito. Nanatili tayong tanga, bulag at pipi ng mahabang panahon, nalinlang sa paniniwalang mahirap ang ating bansa at walang pondong makalap upang tugunan ang mga pangangailangan ng bansa.

Lumalabas na sobra-sobra ang yaman at pananalaping nakalagak sa ating kaban ng bayan, at kaya nanatiling walang pagbabago ay sa kadahilanang nauuwi lamang sa bulsa ng iilang kawatan, ang pinaghirapang salapi ng sambayanan.

Hindi sana bumabaha ng tuluyan sa Kamaynilaan kung ang perang inilaan para sa konstrukyon ng mga drainage at mas mabubuting mga kalsada ay nagamit sa pinaglaanan.

Mas maraming Pilipino sana ang may kabuhayan sa kasalukuyan kung nailaan sa pag-aaral ng mga bata ang bilyong pisong nawala sa kaban ng bansa.

Sa mga kawatan sa kaban ng bayan, nawa'y mabundat kayo sa inyong patuloy na katakawan at kalauna'y bukbukin ng uod ang inyong mga tiyan.

Nakakalungkot isipin na kapalit ng diumano'y demokrasyang idinulot ng Unang Sigwa noong 1986, ang pag-usbong ng isang lipunang kontrolado ng iilang mga pamilyang ang tanging alam ay gawing isang malaking kalakal ang serbisyong bayan, at patingkadin ang kahirapan at kamangmangan.

Nagiging kasangkapan ng mga elitistang ito ang kahirapan upang manatiling mangmang ang taumbayan, na harap-harapang ninanakawan nila ng perang pinaghirapan sa araw-araw.

Mas maraming mahirap, mas maraming mangmang. Kaya naman, nagsipagyaman na ang iilang mga tamad at parasitiko habang lusong pa rin sa burak ng kahirapan at kagutuman ang mga nanakawang mamamayan.

Anong kalokohan ito, na maging ang mga kaibigan ng bayaning si Ninoy ay ngayong kasangkapan ng kadiliman at kabuktutan.

Mga anay na sumisira unti-unti sa etiko at moralidad ng Sambayanan.

Yaong mga ganid na tagapagnakaw ng bayan ay parang mga mahikang pinapapanatili ang kamangmangan sa lipunan upang patuloy silang makapagnakaw sa kaban ng bayan.

Mga mayroong konsensyang itim, mga taong ganid, mga taong walang apdo at walang pahalaga sa pangalan ng kanilang mga aninoy, yaong mga politiko at mga Pilipinong nagkuntsabahan, masadlak sa kahirapan ang bansa upang patuloy ang pagkakawatan.

No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!