Saturday, August 8, 2015

Bakit kailangang ibalik ang pamahalaan sa Tamang Pamumuno--lalo ngayon?

Tumitingkad ngayon ang tunggalian ng mga naghaharing uri dahilan sa kayamanang dala ng isang bumuting ekonomiya. Bawat grupo ay naghahangad na mapasakamay nila ang mayorya ng kapangyarihan sa pamahalaan, sapagkat, ito ang naging pinakamakapangyarihang institusyon ngayon na nakatayo. Kinukupo ng pamahalaan ang mahigit pitumput limang porsiyento ng kita ng ekonomiya at ang badyet nito'y umaaabot na sa trilyong piso.

At sa kadahilanang dinesenyo ang pamahalaan bilang isang korporasyon, makapangyarihang tunay ang Tanggapan ng Pangulo. Kung pag-aaralan lamang ang Konstitusyon, dinesenyo ito upang maging  kasangkapan ng iilan ang Tanggapang ito. Bagamat sang-ayon sa mga nagdisensyo, ito'y isang saligang-batas na mapagpalaya, ang katotohanan, naka disensyo ito upang ang makinabang lamang sa yamang dala ng bumubuting ekonomiya ay ang iilang grupo o pamilyang dati nang may kayamanan o ari-arian.

At sa kadahilananang ang ekonomiya rin ay unti-unting nagbubukas para sa pandayuhang kapital, at ang tunggalian ay tiyak na titindi sa pagitan ng lokal na mamumuhunan laban sa dayuhang pamumuhunan, mas nagiging mahalaga ang nagiging papel ng pamahalaan sa equation ng negosyo. Naririyan ang regulasyon, isang ligal na sandata ng lokal na mamumuhunan upang gamitin laban sa dayuhang negosyo. Dahilan sa globalisasyon, walang magagawang panangga ang mga lokal na negosyo laban sa pagpasok ng dayuhang kapital. Ngunit, kayang limitahan ng mga lokal na mamumuhunan ang lawak ng pagpasok ng dayuhang kapital sa paggamit ng regulasyon o mga lokal na batas na may kaugnayan sa pamumuhunan.

Kaya naman, higit kailanman, mas mahalaga ngayon ang pampulitikal na kapangyarihan kaysa kapital. Sa totoo, mas makabubuti sa lahat na ang pamahalaan ang siyang maging pinakamalaking korporasyon sa ating ekonomiya sapagkat sa ideyal na kalagayan, mas makikinabang rito ay ang mga mahihirap na sektor ng ating lipunan.

Ngunit, kung patuloy na nasasa kontrol ng mga naghaharing-uri ang pamahalaan, walang pakinabang dito ang mga inaaping sektor ng lipunan kundi ang maghintay na mabiyayaan ng mumong mula sa kaitaasan. Dinesenyo ang estado na ang malaking bulto ng populasyon ay mananatiling bahagi ng lakas paggawa samantalang ang buong 100 milyong kataong nakatira dito'y maging isang malaking consumer market. At halos wala dapat sa isang porsiyento ng populasyon ang magkakamal ng kayamananan at kukupo ng malaking bahagi ng kapangyarihan.

Dinesenyo ring ang mga angking yaman ng bansa ay pakikinabangan rin ng mga grupong may angking malalaking kapital na siyang gagamitin sa pagkuha nito sa ating mga kagubatan at kabundukan, maging sa ating mga karagatan. Matapos nito'y ito'y iaangkat sa ibang bansa upang maiproseso at kalaunan'y maibenta sa pangkalahatang pamilihan, maging sa lokal na pamilihan. Kung noon'y mayroon tayong baseng industriyal, ngayon, ibinalik tayo sa katayuang tayo lamang ay consumer, hindi producer ng mga bagay o gawang intelektuwal.

Saan ang ating competitive advantage ngayong walang matitibay na industrial pillars ang ating ekonomiya kundi lamang sa lakas ng ating isipan at katawan (ito'y sa bahagi ng lakas paggawa), at naging kasangkapan din ang ating lumolobong bilang sa populasyon.

Sa ideyal na sitwasyon na kung saan ang pamunuan ng ating pamahalaan ay nagiisip at gumagawa ng mabuti para sa kapakanan ng lahat, dapat sanang nakatuon ang atensyon natin sa pagtatayo ng ating industrial base, imbes na panatiliing nasasa 18th century condition ang ating ekonomiya.  Ang panahon ay nasasa mabuti at tamang lagay upang makapagtayo tayo ng mga ganitong institusyon para na rin matiyak ang isang magandang kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon.

Agaran ang pangangailangan ng isang tunay na pagbabago---pagbabagong pampamunuan. Kailangang mapamahalaan ang ating gobyerno ng mga pinunong walang tanging layunin kundi ang pagpapabuti ng ating kalagayan.

Tamang Pamumuno--ito ang dapat maging sigaw ng mga mamamayan. Papaano natin ito maisasagawa o maisasakatuparan.

Isang hakbang---magkaroon ng isang isipang ideloyohikal na Pilipino. Walang patutunguhan tayo kung tayo'y naka-angkla lamang sa pampersonal na katangian o kaya'y kaisipan ng isang personalidad o pinuno.

Ang tunay na ideolohikal na Pilipino ay nakabatay sa kasaysayan. Ito'y isang framework kung saan mayroon itong pananaw o interpretasyong pangkasaysayan.

Dapat ang pinunong tamang mamuno ay isang pinunong mayroong konkretong paniniwalang ideolohikal na pinaniniwalaan ng mayorya ng mga Mamamayang Pilipino. Dapat ang tanging lingkod ng idelohiya ang isang pinuno at hindi siya ang nagdidikta ng idelohika kundi isang taga sunod lamang.

Kailangang matanto ng isang Tunay na Pinunong Pilipino na siya ay isang bahagi lamang ng isang mas malaking layunin--ang layunin ng Pagbabago. Wala siyang kapangyarihan kundi ang kapangyarihang iniatang sa kanya ng sambayanan.




No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!