Sunday, September 20, 2015

Lean Alejandro at ang pagka uhaw natin sa Tunay na Pinuno

Lean Alejandro--nang nabubuhay pa
Hindi ko man siya nakitang personal ngunit kilala ko siya. Kilala ko siya mula sa mga bibig ng mga taong kanyang nakasalamuha. Kilala ko siya bilang Lean. Siya si Lean Alejandro.

Aktibista. Lider. Ama. Anak. Kapatid. Kapwa manggagawa sa larangan ng pakikibaka.

At para sa mga Pilipinong nabuhay lamang nitong nakaraang dalawampung taon, maaaring isa lamang siyang alamat o baka nga tuluyan siyang hindi nakikilala. Maaaring nabaon na sa limot ang kanyang mga nagawa para sa ating Inang Bayan.

Ni walang rebultong nagpapaalala sa kanya, walang daang ipinangalan sa kanya at walang pelikulang nagsasalarawan ng kanyang makulay ngunit napaka ikling buhay. Sa isang lipunang pinapanginoon ang mga nagpapahirap, mga gahaman, mga mayayaman at mga baluktot ang daan, walang puwang ang isang Lean sa kanilang mga alaala.

“Tama lamang,” usal ni Lean kung siguro siya’y nabubuhay pa magkahanggang ngayon. “Hindi lamang ako kundi libo-libo na kaming nauwi sa limot, mga kaluluwang gumagala sa guni-guni na ang mga katawa’y nakabaon sa kung saan o kaya’y nilusaw na ng kalikasan.”

Patay na siya nang tumuntong ako sa Pamantasan ng Pilipinas sa Diliman. Dinukot ng kadiliman ang kanyang kamatayan. Yaon din ang panahong unti-unting nawala sa eksena ang mga taong may tunay at marubdob na pagmamahal sa Inang Bayan.

Si Lino Brocka, makabayang artista, patay matapos mabunggo ang kanyang sasakyan. Si Ka Olalia, natagpuang walang buhay sa isang burol sa Antipolo. At isang batambatang Lean, patay mula sa karahasang dulot ng mga taong may galit sa pagbabago.

Bakit kailangang paalalahanan tayo ng kanyang kamatayan? Kung siguro naging ordinaryong tao lamang itong si Lean, hindi siya papaslangin ng mga impaktong bahagi ng bulok na sistemang ito. Kung nagpatuloy sa pag-aaral, nakatapos ng kanyang kurso, naghanap ng trabaho, nag-asawa’t nagka-anak at nagpayaman, maaaring namatay siya sa katandaan o kaya’y sakit ng mahihirap.

Pinili ni Lean na tahakin ang isang landas na nakalaan lamang para sa mga bayani. Pinili niyang maging kakaiba—ang landas at pagsisilbi sa nakararami imbes na pansariling interes.

Pinangunahan niya ang kilusan ng mga kabataan laban sa diktadurya. Sa kanyang bitiw ng bawat salita, pinainit ni Lean ang mga nanlalamig na puso’t kaluluwa laban sa diktadurya. Hinarap ang mga dambuhalang naka barong at amerikana, tangan ang kanyang kamao’t bandilang pula,at suot ang isang puting t-shirt, nanlilimahid na maong at pudpod na sandilyas.

Nang umalis ng pamantasan, namalaging pansamantala sa kanyang bayan at binigyang puwang ang pangako ng EDSA---siya’y lumahok sa lokal na halalan. Duon niya nakitang personal na ang pangako ng isang pagbabagong dulot ng sinasabing demokratikong halalan ay isa lamang hungkag na pangako, isang isinarawang katarantaduhang proyektong pampalubag loob ng Naghaharing Uri. Dinaya si Lean, nilaro ng mga beteranong pulitiko at ginawang trumpo ng mga halang ang bitukang mga impakto ng bayan. Yaon ang una’t huling pagsabak sa larangan ng pulitika ng isang taong tulad ni Lean—isang mahalagang aral na dati nang binanggit ni Karl Marx sa kanyang mga sulatin—na walang maaasahan sa halalan, kayong mga naghahangad ng kaginhawaan.

Kung nabubuhay si Lean, maaring singkuwenta anyos na siya—tamang tamang kandidato pagka Pangulo. Sa mga panahong ito na ang masa ay tunay na naghahanap ng mga tunay na lider para pangunahan ang pagsagwan sa kaunlaran, tila ba mayroong panghihinayang ang lahat sa isang tulad ni Lean.

Nasasaan ang mga Pilipinong may tunay at marubdob na pagmamahal sa Inang Bayan, yaong magsisilbi, yaong mag-aalay ng tunay ng kanilang mga katawan, kaisipan at maging kaluluwa, mapalaya lamang sa bigkis ng naghaharing uri ang masang matagal nang inalipin nitong anay na sistema?

Yaong pinagalayan ng pagasa, naging bahagi na ng sistema. Yaong mga inasahang hahalili sa isang Lean, kinain ang mga prinsipyo’t nakilaro sa mga Naghaharing-Uri.

Si Lean kausap si Atty. JV Bautista
Kung nabubuhay lamang si Lean, kanya sigurong kakastiguhin sina Teddy Casino, sina Nathaniel Santiago, sina Liza Masa, sina JV Bautista, sina Sonny Melencio, sina Liddy Alejandro-Nakpil, maging sina Argee Guevarra at Ka Satur Ocampo. Bakit kayo naakit sa pangako ng parlyamentaryong pagbabago? Hindi ba dapat nagpapastol kayo ng masa upang tahakin nila ang tunay na landas para sa pagbabago?

Sino ang nagpapastol sa masa upang matanto niya ang tunay na pagbabago ay pagbabagong panlipunan, sa isa lamang rebolusyon, at walang maaasahang pagbabago sa isang halalan.

Sino ang tatayo’t magsasabi sa taumbayan na panahon na ng rebolusyon at hindi ng kung anong pangakong tuwid na sa kalaunan naman pala’y pagtuwad sa interes ng iilang mayayamang, walang paki sa kalagayan ng nakararami.

Anong “makabayan” sa Makabayan Bloc na nagpapauto ngayon sa isang pokpok na ang pangako ay isang Bagong Umaga? Oo nga—maaaring isang bagong umaga ang magaganap sa atin, lalo na sa mga katutubong naririnahan sa mga kabundukang puno ng kayamanan sapagkat sila ang magiging puntirya ng kalupitan nitong mga nagpopondo para sa kandidatura nitong pokpok na ito na nililinsi tayo ng kanyang mga matatamis na salita ngunit isang patibong pala at isang nakamamatay na lason.

Walang aasahan kundi ang isang rebolusyong bayan! Walang pagasa sa halalan kundi ang pananatili ng mga hungkag na ideya, mga matatamis na pangako, mga panlalansi’t panlalasing sa ating mga isipan at damdamin upang tanggapin natin ang isang lipunang baluktot, balantod at walang pagasa!

O Amang makapangyarihan sa lahat! Nawa’y kasigan kaming magmuli ng isang Lean na titindig at sisigaw sa konkretong bagubatan—pagbabago, pagbabago, halina’t samahan ako sa pagbabago! Walang ibang daan kundi ang landas ng pagbabago!

Ngayong araw na ito magsasagawa ang SAMASA ng isang Great Lean run sa Pamantasan ng Pilipinas sa Diliman, ganap na alas 4 ng hapon. Tara. Idaan na muna natin sa takbuhan ang araw na ito.