Friday, August 26, 2016

The Revolution is bigger than anybody

Hindi ko huhulaan kung ano ang mga nasasa isip ng mga kinatawan ng National Democratic Front (NDF) kung bakit nakikipag-usap ngayon sila sa mga kinatawan ng pamahalaang Duterte sa Oslo, Norway. Layunin aniya ng dalawang panig ay tapusin ang sinasabi nilang "madugong" labanan at panumbalikin ang kapayapaan sa ating bansa---isang layuning, maski ako ay umaaayon, dangan nga lamang, kailangan kong mas mapaliwanagan pa ng maigi.

Noon pa mang panahon at iyang mahigit 30 taong na, na kung saan tinanggap ko sa aking isipan at puso ang kahalagahan ng rebolusyon sa ating bansa upang makamit ng bawat isang Pilipino ang tunay na demokrasya't kalayaan, naging kumbinsido ako sa metodo ng pakikibakang ipinanukala ni Prof. Jose Maria Sison sa kanyang mga sulatin.

Aniya, makakamit ng taumbayan ang pagbabago sa pamamagitan ng isang Pangmatagalang digmaang bayan na kung saan, magkakaisa ang mga rebolusyunaryong pwersa sa pangunguna ng mga manggagawa kasama ng mga magsasaka. Magaganap lamang ito kung pinahina na ng pakikibaka ang mga puwersa ng estado at dumating na sa puntong, napakumbabawan na ang mga naghaharing-uri ng mga batayang sektor na kalahok sa rebolusyon. Ayon kay Sison, kailangang dumaan sa tinatawag na Pambansa Demokratikong estahe ang rebolusyon bago ang paglulunsad ng isang sosyalistang rebolusyon. Kinakailangan ang PD sapagkat kailangang maging ganap na kapitalistang bansa ang Pilipinas bago ang ganap na pagbabago nito sa pamamagitan ng sosyalismo.

Ngayong nagaganap ang mga usapang pangkapayapaan, mayroong mga tanong na nararapat bigyan ng liwanag:

1. Tayo ba ay nasasa kalagayang paparating na tayo sa rurok ng tagumpay at nakikita natin na parating tayo sa isang kasunduang magtatatag ng isang Pambansa Demokratikong Koalisyong gobyerno--ang matagal nang layon ng ating pakikibaka? Kung ganoon, mayroon ngang halaga ang usaping pangkapayapaan.

Ngunit, kung nakikipag-usap at sa kalaunan ay darating sa puntong i-dedekomisyon ang Hukbong Bayan, kailangang matupad muna ang unang kondisyon---ang pagtatag ng isang koalisyong gobyerno na pangungunahan ng Partido ng mga manggagawa. Ito ay batayang paniniwala na nakasaad pa sa Philippine Society and Revolution, isang librong iniakda ni Prof. Sison bilang Amado Guerrero na iniliimbag noon pang dekada 70.

Sa kasalukuyan, hindi ganito ang kondisyong namamayani sa ating bansa. Patuloy na namamayagpag ang Oligarkiya, na mayroong matibay na relasyon sa mga pampulitikang pwersang lubog naman sa burukrata kapitalista. Walang pagbabago sa moda ng produksyon at ang mga paraan ng produksyon ay nananatiling dominado ng mga dambuhalang kapitalista. Patuloy na kinakawawa ang mga magsasaka ng mga naglalakihang panginoong maylupa at salat naman sa karapatan ang mga manggagawang Pilipino.

Kumbaga, sa halos tatlumpung taon matapos ang EDSA uno, naibalik at mas lalo pa ngang lumakas ang mga puwersang naghahatid ng kaguluhang nakaugat sa uri, mas tumindi ang pagpapahirap sa batayang masa at mas naging dambuhala ang mga kaaway ng sambayanan.

Sapat na bang gawing dahilan ang pagbibigay ng tatlong puwesto sa mga kinatawan ng NDF sa administrasyong Duterte upang ganap nang naisakatuparan ang isang koalisyong gobyerno? Ito na ba ang sinasabing "koalisyon" ni Joma---isang gobyernong dominado pa rin ng mga kinatawang pampulitikal ng mga kaaway ng bayan, mga Oligarkiyang mayroong malaki pa ring interes sa paghawak at dominasyon ng ating ekonomiya?

Kung ito na nga iyon, eh, sige, ganyan pala kababaw ang pagtingin ni Joma sa tagumpay ng rebolusyon---makapuwesto lamang sa gobyerno ang iilang kinatawan ng kilusan, sapat nang batayan upang sabihing may "koalisyong" naganap o nagaganap.

2. Sapat na bang dahilan ang paglagda sa mga batayang dokumento hinggil sa pagpapatupad ng karapatang pantao ng bayan upang pagulungin ang proseso ng pagdedekomisyon sa Hukbong Bayan? Sa apat na dokumento, iisa pa lamang ang nilagdaan ng GRP at ito nga ngayon ang direktahang nilalabag ng mga security forces ng pamahalaan sa pamamagitan ng sunod-sunod na pagpatay sa mga hinihinalang drug pushers at addicts sa mga sinosonang maralitang pamayanan sa Kalakhang Maynila gayundin sa ilan pang mga lugar.

Ito ay mga batayang katanungan nararapat bigyan ng linaw sapagkat ngayon pa lamang, ipinalalabas ng pangkatin ni Joma na ito na ang wakas ng rebolusyon. Hindi pa ito ang wakas. Magpapatuloy ang rebolusyon hanggat ang mga batayang problema ng bayan ay namamayagpag at ang mga pang-aabuso ng mga karapatan ay malawakan at malalim ang ugat sa kamalayang pambayan.