Friday, March 17, 2017

Bakit natin sisisihin si Drilon sa kapalpakan ni Pacquiao?

Noong mga dekada 50s hanggang sa 70's, naghahalal tayo ng mga tao sa Senado base sa kanilang angking talino, mga nagawang mabuti sa kani-kanilang mga propesyon at sa kanilang marubdob na pagmamahal sa bayan at mataas na integridad.

Ang Senado noon ay hindi lamang tanghalan ng mga abogado kundi maging mga taga-Showbiz na hindi rin nagpahuli sa pagtatagisan at espadahan ng talino sa kapwa nila senador. Nariyan ang yumaong Rogelio dela Rosa na katangi-tangi sa kanyang panahon. Hindi lamang isang makisig na lalaki kundi kinakitaan siya ng galing, talino at malinis na pagtatangi sa kapwa tao.

Pagkatapos ng diktadurya, naghalal tayo ng mga tulad nina Noli de Castro, Tito Sotto, Nikki Coseteng, Joseph Estrada na bagamat nagsimula bilang mga miyembro ng sining, ay lubos tayong inaliw bunga ng kanilang mga talino at dangal. Oo sa ilang panahon kinakitaan ng hindi kagandahan sina Sotto (plagiarism issue), Revilla (pagkasangkot sa DPWH projects) at Lito Lapid (tardiness at pagiging senador na mabilang mo sa daliri mo kung ilang batas lamang ang naipapasa) ngunit hindi naman ganoon kalala ang kanilang mga asal na talagang mapapa mura ka na lamang sa inis, yamot at masasabi mo sa sarili mong sana ipinanganak ka na lamang sa ibang bansa.

Malaki na ang ipinagbago ng ating lipunan, lalo na sa teknolohiya, ngunit hungkag pa rin ang ating pulitika. Isipin ninyo na lamang na sa kabaluktutan ng ating sistemang pang demokratiko, mayroon ngayon tayong mga halal sa senado na ginamit ang kanilang popularidad at kayamanan para maging senador ng bayan.

Noong 2016, mapalad na lumabas sa hanay ng mga nanalong senador si Senator Manny Pacquiao. Gamit ang kanyang bilyon at popularidad, naitulak palabas ng senado ang mga natatanging indibidwal tulad ni Serge Osmena at iba pa.

Dahilan dyan, pinagbabayaran ngayon ng taumbayan ang kamaliang ito.

Panoorin na lamang ninyo kung papapaano unti-unting tinapyas ni Drilon sa plenaryo si Pacquiao nang ang Pambansang Kamao ay tumayo upang depensahan ang kanyang panukalang magtayo ng isang Philippine Boxing Commission.

Hindi ko na iisa-isahin dito ang nangyari. Sad to say, pero, parang maka ilang beses na knockdown si Pacman.

Sisihin ba si Drilon? Ganoon na ba kababa ang pagtingin natin sa paglikha ng batas na ating sasabihing ang yabang naman ni Drilon noong tanungin niya si Pacman tungkol sa batas na kanyang isinusulong?

Nakita ko ang palitan ng kuro-kuro ng dalawa at sa totoo lang, ordinaryong mga katanungan lamang ang ibinato ni Drilon kay Pacman. Ika nga, soft jabs lang. Pero na ebs na agad si Pacman. Nagmukha siyang kuting sa harap ng leon, o to put it mildly, nagmukha siyang Kinder sa harap ng isang college student.

Maraming nagsabing sobrang yabang ni Drilon, bakit niya ginawa yun ke Pacquiao. Huh? Ganun na ba tayo katarantado?

Galangin naman natin ang Senado. Hindi ito isang plenaryo para sa batang musmos o mga bilyonaryong mayabang.

Alangan naman gumawa tayo ng mga batas na palyado? Dahil lang ba idol natin sa ring si Pacquiao, palalampasin na natin ang mga katarantaduhan at kawalang saysay niya sa Senado?

Hindi rin charm school ang senado. Dito nakasalalay ang kinabukasan at kapakanan ng lahat ng Pinoy. Hindi larong biro ang gawain sa Senado.

Halatadong hindi handa itong si Pacquiao at sa totoo lang, we are being mocked by this man who used his billions just to probably prove to other Filipinos, especially those who live at Forbes, that he is one of them or even bested them.

Hindi pupuwede dito ang pabuhat-buhat lang ng dumb bells o patakbo-takbo lang. Senate work is mental kalesthenics.

Huwag daw maliitin si Pacman? Sino ba ang nagmamaliit sa kanya at bakit ba nagiging maliit siya sa tingin ng mga tao? Siya ang may kasalanan nyan dahil may hiya siyang humarap sa mga kapwa niya Senador nang hindi handa? Anong akala niya he can barrel his way there using only his fists and his speed? No.

Pansinin na habang nagsasalita sa plenaryo si Pacman, hayun at halos katabi niya ang kanyang mga advisers na halos isigaw na sa kanya ang mga sasabihin niya sa harap ni Drilon.

Nakakahiya. Mayroon tayong maskuladong pupet ng iilang interes sa Senado. Joke nga ng iba, nung nanalo daw si Pacman, para na ring naka jackpot si Governor Chavit Singson. Ganun ba??