Saturday, March 25, 2017

Dadamayan mo ba ang Kadamay?

Ang aksyon ng Kadamay ay pagpapahayag lamang ng kanilang matagal nang karaingan sa pamahalaan na bigyan sila ng sariling bahay. Wala silang bahay. Mahirap sila. Kailangan nila ng bahay.

Okey. Sila'y mga nasa laylayan ng lipunan, kailangang i-beybi?

Para sa mga miyembro ng Kadamay----ilang milyon pong pamilyang Pilipino ang walang sariling bahay at nagtitiyagang magtrabaho at mag renta ng matitirahan nila sa kalunsuran. Ano po ba ang pagkakaiba ninyo sa kanila?

Ako po ay isang ama at naghintay ako ng ilang taon bago ako nagkabahay. Nagsumikap po akong magtrabaho, nagbanat ng buto, bumuhos ng daan-daang oras para makaipon ng kaunti at inilagak ko sa bangko para lamang magkabahay.

Batid ko pong marami o ilan sa inyo ang walang trabaho. Ngunit marami pong pagkakataon ngayon sa pamahalaan para kayo ay makapag negosyo.

Karapatan po ba talaga ng isang Pilipino ang magkaroon ng bahay? Kung tatanungin ninyo ako hingil sa pagkakaroon ng ari-arian, opo. Karapatan po natin ang magkaroon ng pribadong ari-arian.

Kasama po ba dito ang pabahay? Kasama po ngunit sa ilalim ng ating umiiral na sistemang pang ekonomiko, isa na pong pribelehiyo ang magkaroon ng sariling bahay.

Sa kasalukuyang panahon, kailangan mo ng lampas dalawang milyon para magkaroon ka ng disenteng tahanan. Batid nating milyon-milyon sa atin ang walang ganoong halaga at maaari pang hindi talaga mababatid ang ganoong halaga sa tanang buhay nila.

Kung susundin ko ang lohika ng Kadamay, dapat ang mga Pilipinong ito ay sumasama sa kanila upang okupahan ang mga sinasabing bakanteng pabahay ng pamahalaan.

Walang bahay, may nakatiwangwang na pabahay, bakit hindi okupahan?

Ito po ba ay makatarungan? Sa tingin ninyo, mga miyembro ng Kadamay, makatarungan ang ginagawa ninyong inookupahan ninyo ang pagmamay-ari ng pamahalaan.

Excuse me po, pero, pera po naming mga taxpayers ang mga pabahay na iyan. Sa pinagpawisan po namin nanggaling ang pagpapatayo ng mga pabahay na yan.

Kayo po ba ay nagpawis upang makapagpatayo nyan at mailaan sa ating mga bayaning kapulisan at kasundaluhan at ilan pang mga maralitang pamilyang Pinoy na naghintay ng kanilang pagkakataon upang magkabahay?

Hindi po.

Sa totoo lang, kapagka napapanuod po naming mga ordinaryong Pinoy ang mga eksenang nagaganap sa Bulakan, iisa ang nasasabi naming mga taxpayers----kakapal naman ng mga mukha ng mga ito.

Dapat dumaan tayo sa proseso. Hindi po tayo anarkiya.

Sa totoo--ilan sa inyo ang bahagi ng dambuhalang  sindikato sa pabahay? Ilan sa inyo ang napangakuang magkakaroon ng bahay kapalit ng halaga ng salapi?

Ilan sa Kadamay ang papet ng mga dambuhalang sindikato sa pabahay? Pano kaming mga taxpayers makakatiyak na pagkatapos ninyong mabigyan ng sariling bahay, hindi ninyo yan ibebenta sa iba at maghahanap muli ng maiiskwatan at balik pa rin sa dating gawi?

Bistado na mga modus nio.

Magkaroon naman po tayo ng kaunting hiya sa katawan, maski kaunti lang. 

Negosyo daw ang pabahay ng pamahalaan. Bakit daw? Kasi kailangang magbayad ng buwanang amortisasyon bago mapasaiyo ang titulo ng lupa.

Aba, dapat lang. Anong akala ninyo sa bahay, libre?

Eh, kung ganun naman pala, para magkabahay sa Pinas, mag okupa ka ng bakanteng lote, tirahan mo ng iligal. Maglagay ka ng jumper. Kumuha ka ng linya padaluyan ng tubig. Sumungkit ka ng kable ng cable company pati na internet, ayos. Libre ka na ng bahay, libre ka pa sa kuryente, tubig, cable at internet. Aba naman, buhay mayaman ka.

Siguro sa isang sosyalistang lipunan, maaaring libre ang pabahay. Pero sa isang kapitalistang sistema, pagpapaguran mo at pagtitiyagaan ang magkaroon ng sariling bahay.

Nawala na ba ang dangal ng mga maralitang Pinoy sa kanilang mga sarili at magpapadikta sa mga dambuhalang sindikato sa pabahay? 

Meron po akong ilalahad sa inyo----pamilya ko po ay benepisyaryo ng pabahay ng pamahalaan. Mula rin po kami sa angkan ng mga maralita, at hindi ko po ikinahihiya yan.

Nagkabahay po kami sa panahon ng diktadurya. Isa pong prinsipal ang aking tiya. Nagpa raffle po ng pabahay sa mga guro at mga empleyado de gobyerno at sa kabutihang palad, kami po ay nagkaroon ng isang matinong bahay, una sa Santa Ana at ikalawa naman, sa Antipolo.

Hindi po kami nag okupa ng bakanteng pabahay. Hinintay po namin ang proseso ng pamahalaan.

Nang magkabahay po, unti-unti pong bumuti ang lagay ng aming pamilya. Kaya po naiintindihan ko po kayong mga Kadamay, yaong may busilak na hangarin sa kanilang mga pamilya.

Ngunit, huwag naman po nating idaan sa isang hindi rasyunal na proseso ang mga bagay-bagay. Hindi po tayo nasasa anarkiyang sistema.