Wednesday, June 23, 2010

Draft Arroyo farewell speech today

Here is the draft of Mrs. Arroyo's farewell speech...

Mga mahal kong kababayan,

Mahaba haba rin ang panahon ng ating pagsasama. Siyam na taon na ang nakalipas matapos nating kunin ang kapangyarihan mula sa may-ari nito. Mahaba para sa karamihan ang siyam na taon. Para sa akin at sa aking asawa, maikli ang siyam na taon. Dapat sana, siyamnapung taon.

Kung siyamnapung taon, marami pa sana akong napagawang kalsada, tulay, paliparan at mga daungan.Marami pa sana akong mag re-reclaim na lupain, maidevelop ang Manila Bay at naipasemento ko pa sana lahat ng bukirin.

Ang paggawa ng mga imprastraktura ang pinakamabilis kumita ng pera, este, ang pinakamabuting tungkulin ng isang pangulo. Dahilan sa kalsada, uunlad ang ekonomiya. Isang halimbawa na lamang si Senador Manny Villar. Nang magkaroon ng C-5 na dumaan sa kanyang mga sabdibisyon, mabilis niyang naibenta ang mga maliliit na bahay sa halagang tatlong milyon.

Sabi nila, marami daw naghirap sa ilalim ng aking administrasyon. Ito po'y isang kasinungalingan! Pano dadami ang mahirap, eh, nung tinignan ko ang aking bank account sa Hongkong at Portugal, lumobo pa ito sa mahigit 80 milyong piso.

Noong dating nangungupahan lamang sa isang maliit na apartment ang aking anak na si Mikey, wala pa siyang pambayad sa renta. Kita mo ngayon, may mansyon na rin siya sa California.

Hindi ba kami ang First Family o unang pamilya? Kung yumaman ang First Family, tanda yan na marami rin sa ating mga Pilipino ang yumaman ng ako ay nanunungkulan.

Peace and order improved in our country. Kung noong panahon ni Cory, talamak ang mga rebelde, ngayon, imbes na nasasa bundok sila, naririto na silang lahat sa Maynila. Patunay yan na nasugpo ko ang Komunismo dahil pinalitan ko lang yan ng Pasismo at nepotismo.

Ang sabi nila, nangurakot daw ako ng katakut-takot nitong siyam na taon. Wala pong katotohanan yan. Kung may nakuha man akong pera, sino ba ang nakinabang? Ang akin bang pamilya? Hindi po.

Bilangin na lamang ninyo kung ilang tao ang napakain ko ng steak at binusog ko ng marangyang pagkain sa mamahaling restawran? Hindi ba mahigit 200 daang katao ang laging kasama at buntot buntot sa akin? Mga kababayan, sila po ang nararapat ninyong siningilin dahil sa kanila, napunta ang pera ko.

At ngayon ko lang din po aamining, oo, tumawag nga ako kay Garci pero ito'y sa pagaalalang baka walang makain ang mga tao ko sa Mindanao. Oo, dinayal ko ang number ni Garci pero ito'y sa paghahangad na hindi siya tumalon ng bakod noong halalan.

Hindi rin po totoo na lumaganap ang smuggling nang nakaupo ako. Human smuggling po at hindi smuggling ng bigas ang lumaganap. Smuggling po ng kuryente at gasolina po ang tumaas, hindi po ang smuggling ng mga produktong gawa sa China.

Paano po magkakaroon ng smuggling eh pinababayaan naman namin ang mga produkto ng mga Intsik na pumasok dito ng walang taxes? And honestly, sino ba ang nakikinabang sa mga smuggled goods, hindi ba tayo ring mga Pilipino? Nakakabili na tayo ng mga murang damit, murang sapatos na de tatak, dahil sa smuggling. Dati, walang nakakabili ng C-K o kaya ng Michael Kors na damit. Ngayon, dahil sa smuggling, pati Abercrombie, naisusuot mo na.

Kung pakikinggan niyo lang po si Enrile, na ako na ang pinakamasipag na pangulo sa kasaysayan ng ating bansa, hindi siguro marami ang nagalit sa akin.

Kailangan ko pong magsipag dahil ang aking bank account noong 2001 ay 20 milyong piso lang. Kailangan kong mag catch up sa mga kaklase ko sa Miriam na multi-milyonaryo na ngayon.

Pero, huwag po kayong mag-alala, magkikita-kita pa rin tayo.

Bilang kongresista ng Pampanga, hindi pa mawawala sa eksena ang inyong Tita Gloria. Sa susunod na tatlong taon, media blitz ang gagawin namin para by 2013, ako na ang inyong Prime Minister.

Maraming salamat po and see you soon.