Sunday, September 20, 2015

Wala daw maiiwanan sabi ni Grace Poe at Chiz Escudero. Bakit Grace Poe, hindi mo ba tinalikuran ang pagiging Pilipino noong 1995?

Sumisigaw ang taumbayan--nasasaan kami sa kaunlaran? Nasasaan ang pangako ng kaginhawaan, ng pagbabago, ng progreso? Habang buhay ba kaming magtitiis na magpa-alipin sa mga pinunong gahaman sa kapangyarihan, sa kayamanan at sumasamantala sa aming pagkakawatak-watak bilang masa?

Tignan ang Tuwid na Daan---maganda sa pandinig ngunit sa kalaunan pala'y ang "i" na simbolo ng pagiging tuwid, napalitan ng "a" simbolo ng pagyuko. Mula sa Tuwid, dumating tayo sa pag Tuwad--pagtuwad sa interes ng mga mangangalakal na nagpondo nitong eksilaradong slogan.

Kumbaga sa aming mga taga industriya--overpromised, under delivered.

Ngayon, maraming nalalansi nitong islogan ni Grace Contreras Militar a.k.a. Grace Poe-Llamanzares. Ipinapangako niya ang isang "Bagong Umaga" sa sandaling niluklok natin siya sa Palasyo. Ang tanong--may bago ba sa kanyang mga pahayag?

Wala. Ang kanyang talumpati pati na rin yaong ginawa ni Chiz Escudero sa Club Pilipino ay isang rehashed na talumpating mayroong pinaggayahan at dayuhan pa ang hinalawan---ang talumpati ng Amerikanong pangulong si Barack Obama.

" Walang maiiwan" ay isang walang laman, puno ng pandaraya't kasinungalingang islogan.

Tanong kay Grace---nasasaan ka nang ipinakikibaka namin ang pandaraya sa iyong ama sa Welcome Rotunda? Ni anino mo, wala dun. Walang maiiwan--matagal mo na kaming iniwanan.

Noong 1991 at 1995--kasagsagan ng kaguluhan sa Pilipinas, nasasaan ka? Hindi ba't naglilimayon kasama ng iyong Amerikanong asawa? Lumahok ka ba maski sa isang katiting na demonstrasyon o rali para itaguyod ang kapakanan ng mga maliliit na Pilipinong na ibinebentang unti-unti ng kanyang mga pinuno ang nakamit na kalayaan?

Nang sumumpa ka ng katapatan sa harap ng bandila ni Uncle Sam, tinalikuran mo at iniwanan kaming mga nagtitiis na Pilipino sa isang sistemang bulok, hungkag, at baluktot.

Anong Bagong Umaga ang aaasahan namin sa yo, gayong ngayon pa lamang, para kang talipandas, isang babaeng nagbebenta ng aliw sa sinumang maaakit mo sa iyong matatamis na salita?

Partido Pilipinas ba kamo? Parang tulad ito ng "Public-Private" partnership program ah, na siyang behikulo ng mga financiers sa halalan para mabawi ang kanilang mga naipustang kayamanan.

Maraming proyektong nakasalang si Ramon S. Ang ng San Miguel Corporation na kaagapay ang gobyerno. Kaya naman, protektadong protektado ka ng kanyang pondo. At huwag mo naman kaming linlangin na sa sandaling manalo ka, hindi mo babayaran ang milyon-milyong campaign funds na siya niyang ibinigay sa iyo. 

Sabi mo nga, tinuruan ka ng iyong mga magulang ng utang na loob--isang kahanga-hangang katangian ng isang Pilipino na sa isang banda, isang kasumpa-sumpang ugali kung gagawin sa pulitika.

Hindi na rin ako magpapatumpik-tumpik pa--ano ang naipangako mo sa magkakapatid na Zamora? Na pababayaan mo silang pasabugin ang ating mga kabundukan, patayin ang mga katutubong dun naninirahan, makuha lamang ang mga taglay nitong kayamanan?

Tiyak makikinabang ang mga minerong tulad ni Zamora na keso magkandamatay ang libo-libong mga Pilipino bunga ng baha, pagkalason sa hanging dala ng minahan at pagkamatay sa sakit dulot ng lasong nagmumula sa mga tagas, sigurado kong magsasawalang pansin ka't isasara ang iyong mga tenga at mata, para lamang makapagbayad ka ng utang na loob?

Sa mga nalalansi sa matatamis na salita nitong si Grace Contreras Militar a.k.a. Grace Poe-Llamanzares, pakitignan ang SALN nitong isusumite sa Enero. 

Tiyak kong malaking pagbabago sa assets nitong si Poe. Kung wala, tiyak na tiyak kong mayroong naging milagro.

Sa mga Pilipino---palagi nating alalahanin ang turo sa atin ng ating mga magulang---mayroong masamang dulot ang sobrang matamis na salita.