Monday, October 27, 2008

Magtiis

I would just like to ask for the indulgence of all my non-Filipino readers. I wrote the following entry to my fellow Filipinos on the eve of the arrival of alleged fertilizer scam architect Joc-Joc Bolante. If you want to know what this letter means, please just ask your Filipino friends.

Mga mahal na kapatid na Pilipino sa lahat ng dako,
Hindi ninyo ba napapansin? Habang papalapit ang pagdating ni Jocelyn "Joc-Joc" Bolante, lagi nating naririnig ang katagang "arkitekto" ng fertilizer scam. Maaaring totoo. O maaaring hindi. Pero, ang sigurado--ipinako na ng gobyerno ang lahat ng sisi kay Bolante.

Epektibong istratehiya ito dahil wala na tayong nakikitang midyang nagtuturo kay Gloria bilang totoong mastermind dito. At malamang, talagang si Bolante ang may pakana, pero, hindi ba natin uungkatin kung sino ang talagang nakinabang at maaaring siyang utak ng iskandalong ito?

Sino ang nag-udyok kay Bolante na walang takot na ipatupad ang scam na ito? Nasan ang limpak-limpak na salaping sinasabing itinago at hindi napakinabangan maging noong 2004 elections?

Maaaring hindi na natin malalaman ang tunay na istorya sapagkat tinapos na ng Senado ang kanilang imbestigasyon at tanging sa Ombusman na lamang ang pag-asa. Pero, sa inaasta ni Merceditas Gutierrez, ang kawalang aksyon ng ahensya sa kabila ng tatlong taong nakasampa ang kaso at malamlam na interes ng taumbayan sa pinuntahan ng kanilang buwis, malamang na mauwi sa wala ito.

Tulad ng karamihan sa mga iskandalong kinasangkutan ng mga opisyales de gobyerno, nauwi sa bula ang perang ninakaw ng mga kawatan. Ilang buwang inabot ang galit ng taumbayan. Pero, pagkatapos nito, unti-unting nawala sa mga pahayagan at nakalimutan.

Habang patuloy ang kawalang katarungan, palaki ng palaki ang pagnanakaw na ginagawa sa atin ng mga kawatan. Habang may nakakatakas sa katiwalian dahilan sa may tiwala sa kanila ang Malakanyang, lumalaki ang nawawala sa kaban ng bayan.

Magpapatuloy na magpapakapagod tayo sa pagbabayad ng buwis. Hihigit sa sampung milyong Pinoy ang lulunok ng sariling laway at magpapa-alila sa mga dayuhan, makatakas lamang sa napipintuhong kahirapan. At hindi iilan ang kakapit sa patalim, mabayaran lamang ang VAT, sanlaksang buwis, pati na mataas na kuryente't gasolina, maituloy lamang ang pamumuhay sa ating lipunan.

Sabi nga ng ilan, life goes on. Let's move forward at hintayin na lamang ang 2010. May pag-asa pa.

Nasasaan ang pag-asa? Pag-asang sa susunod na administrasyon, milyon-milyon na lamang ang kukubrahin ng mga kawatan at hindi na bilyon-bilyon? Nasasaan ang pag-asa? Pag-asang magiging mumo na lamang at maibabaon sa limot ang mga katiwalian at kawalang-katarungang ginawa sa atin ng kasalukuyang administrasyon? 
Para na rin tayong nagparaya sa kabuktutan at kahalayan at pagkatapos magpakasarap ng animal na mananambong, tatalikod tayo at sasabihing, may pag-asa pa at kalimutan ang kapalastanganan sa ating karangalan.
Hindi ko naman masisisi ang mga Pinoy. Naging pambansang anthem na natin ang Erap song na "magtiis". Naging national animal na rin natin ang kalabaw. 
Kumbaga, kapagka kinubabawan ka at nilapastangan ng isang rapist, ibukas mo pa ng mas malaki ang mga binti mo at "enjoy" (a famous quote from Foreign Secretary Raul Manglapus).
Kumbaga, kung binomba na ng mga dayuhan, pinatay ang mga mamamayan, kinatay ang mga sanggol ng mga sakang na Hapon, mag-tiis at mag-enjoy.
Sa pagbalik ng isang sinasabing kawatan na ni wala tayong narinig na sorry man lang, tanungin siguro natin ang ating mga sarili---bilang Pinoy, okey na ba tayo sa asado o sa bola-bola lang? Ito ba ang kapalit ng 756 milyong pisong pinuhunanan natin ng ating pagod sa pagtratrabaho makapagbayad lang ng buwis? Ang tanggaping ang katotohanan ay maaaring asadong may laman o isang siopao na may bola-bola.
Bahagi na ng ating kultura ang umasa na lamang ng umasa na magkakaroon ng magandang umaga sa kabila ng mga dagok sa ating buhay. Kung mahirap ang lagay ng bayan, mangibang bansa. Kung makakatapos ka naman ng kolehiyo, kunin mo na ang nursing at siguradong me US green card ka.
Kailan kaya tayo tatayo at sasabihing, oras nang kilalanin natin ang ating mga karapatan? Na hindi tayo kailangang magtiis sapagkat karapatan nating maging mabuti ang lagay ng ating mga buhay?
Na, hindi na tayo kailan man papayag na nanakawan tayo ng harap-harapan ng mga kawatan at papatawan na talaga natin ng matinding kaparusahan ang mga mandarambong ng kaban ng bayan?
Kailan kaya na sasabihin natin ng harapan na walang silbi ang mga naninilbihan sa pamahalaan. Kailan kaya tayo pipiyok at sasabihin ng harapan na pitsa-pitsa ang serbisyo ng DPWH sa EDSA?
At kailan kaya natin sasabihin na diring-diri tayo sa mga namumuno ngayon sa atin, na karapatan nating magkaroon ng mas mabuting gobyerno at maiging pamumuhay at sawang-sawa na tayong pamunuan ng mga palpak at makasariling opisyales de gobierno?
May isa pang pagkakataon. 
Sa pagbabalik ni Joc-Joc Bolante, sana piliin natin ang tumpak at tamang daan. Manawagan tayo ng katarungan. Ilabas niya ang katotohanan. Kung mag ala-Neri siya, huwag na huwag tayong papayag na hindi niya makamtan ang katarungang pambayan. 
Galit tayo sa snatcher. Galit tayo sa akyat-bahay. Mas dapat tayong magalit sa mga kawatang naka suot ng barong at harap-harapan tayong niloloko. 

No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!