Maari ba tayong mangarap ng sandali at isulat ko ang mga pangarap na iyon dito sa New Philippine Revolution?
Kung posible nga sana, sino-sino ba sa pananaw ko ang kakatawanin ng isang dream team sa eleksyon sa 2010? Suriin natin at paka ngimiin.
Para sa Pagkapangulo
Nais ko sana ng isang Pangulong may alam hindi sa pangungurakot o kung papaano babawiin ang kanyang campaign funds, kundi sa papaanong maiging patakbuhin ang isang pamahalaang may dambuhalang burukrasya. Maganda sana ang isang Pangulo na may magandang bisyon o pangarap sa pagpapaunlad ng bansa, na maglalatag ng isang agenda na istratehiko, hindi taktikal. Napansin ko sa mga nakaraang mga pangulo, puro taktikal na kampanya lamang ang kanilang mga ipinatupad, mga stop gap measures na lumulutas ng panandalian sa mga problema ng bayan ngunit iniiwanan ang pagpapasya sa paglutas sa mga tunay at ugat ng problem sa susunod na administrasyon.
Nais ko sana ang isang kandidatong walang utang na loob sa mga dambuhalang mga kumpanya at mga lokal na panginoong maylupa.
Sino ba sa palagay ko ang maaaring lider sa panguluhan na tumutugon sa mga kwalipikasyong ito?
Sa ganang akin, ito'y si Professor Randy David.
Opo, ang tanyag na propesor Randy David. Una, may talino siya't may marubdob na pagmamahal sa Inang Bayan. Ikalawa, mayroon siyang pag-asang maging isang tunay na alternatibong kandidato laban sa mga pumapalaot na mga trapong nais maging pangulo. At ikatlo, wala siyang pangarap na maging pangulo, alalaong baga'y para siyang isang Corazon Aquino.
Sa Pangalawang Pangulo
Maganda sana kung si Senator Benigno "NoyNoy" Aquino ay siyang magpahayag ng kahandaang tumakbo bilang ikalwang pangulo o kung hindi man, suportahan na lamang ang kandidatura ni Senator Kiko Pangilinan. Sa ganang akin, tunay ang abilidad at kakayanan ng dalawang ito upang pamunuan ang pamahalaan. Magagamit natin ang kanilang karanasan bilang mga mambabatas para magkasanib puwersa nilang tulungan ang Pangulong Randy David sa pagpapatakbo ng pamahalaan.
Sa mga Senatoriables
1. General Danilo Lim---para sa tunay na reporma ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at pagpapatatag ng sekyuridad ng ating bansa.
2. Susan Toots Ople---pagpapalakas ng hanay ng lakas paggawa at pagsulong pa ng mga batas na magpapa-igi sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).
3. Joey de Venecia III---pagpapakinis sa business environment upang maging lebel ang playing field at sa gayun, ma-attract ang foreign investments sa bansa.
4. Ariel Querubin--tungo sa pagpapakinis ng relasyong pangtanggulan ng Pilipinas sa iba't-ibang bansa at pagpapatatag din sa pagbigay benepisyo sa mga bayani ng bayan.
5. Risa Hontiveros---pagbalangkas ng isang matatag na batas tungo sa proteksyon ng mga karapatan ng mga kababaihan at iba pang batas na siyang magpapa-igi sa kalagayan ng mga urban poor.
6. Ruffy Biazon---mga batas na magpapalakas sa hanay ng mga kabataan at magbibigay ng libreng edukasyon sa mga kabataang napagkaitan ng gayung oportunidad.
7. Teddy Casino---magkakatawan sa mga middle class gayundin sa mga propesyunal at magiging kasangkapan upang makapagpanday ng mga batas na siyang magsusulong ng isang Pambansa Demokratikong lipunan.
8. Satur Ocampo----magpapatatag sa mga batas tungo sa proteksyon ng karapatang pantao at karapatan ng hanay ng mga manggagawang Pilipino, gayondin ng midya.
9. Teofisto Guingona III---magpapanday ng mga batas upang patatagin ang ugnayang Kristiyano at Muslim sa Mindanao gayundin ang paglikha ng mga batas tungo sa pagpapaunlad ng mga kanayunan.
10. Lisa Masa----tunay na kinatawan ng mga kababaihan sa Senado at magiging malakas na tagapagsulong ng mga rebolusyunaryong inisyatiba.
11. Atty. Adel Tamano---pagsusulong ng mga interes ng Bangsamoro sa Senado.
12. Jamby Madrigal
Dream Team
Prof. Randy David---Pangulo
Noynoy Aquino------Ikalwang Pangulo
Senatorial Slate
1. Gen. Danilo Lim
2. Susan Toots Ople
3. Joey de Venecia III
4. Ariel Querubin
5. Risa Hontiveros
6. Ruffy Biazon
7. Teddy Casino
8. Satur Ocampo
9. Teofisto Guingona III
10. Lisa Masa
11. Adel Tamano
12. Jamby Madrigal
No comments:
Post a Comment
Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!