Tuesday, May 1, 2012

Ang Kalagayan ng mga Manggagawa Ngayon

Ayon sa CNN, mahigit 32 milyong pamilyang Pinoy ang lubog sa kahirapan. Kung iisiping mabuti, dulot ito ng napakataas na unemployment rate sa Pilipinas. Taon-taon, mahigit isang milyong kabataang Pinoy ang lumulusong sa kumunoy ng walang katiyakan dahil sa maliit ang ekonomiya upang tanggapin silang mga may diploma. Hindi na dapat pang pag-aksayahan natin ng pansin ang istadistika, tignan na lamang natin ang ating lipunan sa ngayon. Nababalot ito ng walang katiyakan.


Samahan pa ng kawalang direksyon ang pamamahala. Noong isang linggo, ni anino ni Pangulong Noynoy Aquino ay hindi naaninag sa isang kumperensyang dinaluhan ng mga kumpanya sa Pilipinas. Itinatag ang kumperensya upang mapag-usapan ang mga batayang isyung pang ekonomiya. na may direktang epekto sa ating mga buhay sa kasalukuyan. Imbes na isang pangulo ang magtakda ng direksyon, tanging ang sekretarya sa paggawa, si Sec. Baldoz ang ipinadalo ng Malakanyang. Walang alibi na sinabi. Basta, wala na lamang ang Pangulo.


Ganito pala ang turing ng pamahalaan sa ating kalagayan--isang kalagayang walang pag-asa at alipin lamang ng mga interes ng mga naghaharing uri sampu ng mga naglalakihang kumpanyang isa -isang kumakain sa mga industriyang dapat sana ay gobyerno ang nagseserbisyo ngunit ngayon, ay ipinagbibili sa pribadong mga kumpanya upang pamahalaan. 


Maganda sanang magkaroon tayo ng maipagmamalaking mga industriya ngunit sa ngayon, ni isa'y hindi na atin kundi pagmamay-ari na ng mga kapitalista. 


Bunga ng paghahari ng kapitalista sa ating bansa, impluwensiyado at halos hawak sa ari ang pamahalaan. Pansining walang polisiyang nakabubuti sa maamamayan sa kasalukuyan bunga ng umiiral na polisiya ng pamahalaan hinggil sa liberal economics. Tila mali ang interpretasyon ng pamahalaan sa istrukturang pang ekonomiya na ito sapagkat tila baga ang tingin ng pamahalaan sa sarili ay isa lamang nagmamatyag sa umiiral na kapaligiran. 


Klarado rito ang kawalang aksyon ng pamahalaan sa tumataas na presyo ng mga bilihin, ang walang patumanggang pagtaas ng presyo ng gasolina at ang lumalalang kontrakwalisasyon sa hanay paggagawa. 


MIsmong ang pamahalaan ang nagpapatupad ng kontrakwalisasyon. Sa tala ng Departamento ng Edukasyon, halos 80% ng mga guro sa kasalukuyan ay kontrakwal. Gayun na rin ang sitwasyon sa mga sangay ng pamahalaan. Kung aktong SM na rin ang pamahalaan, paaano pa aasahang may katiyakan sa trabaho ang milyong Pinoy?


Mababang pasuweldo, mga mumong bigay na pinagaganda sa paggamit ng dayuhang lengguwaheng non-wage benefits, mga paglabag sa labor code lalo na sa itinakdang relasyon at standards sa relasyon ng paggawa at kumpnay, yan ang ilan lamang sa mga isyung direktang umaapekto sa larangan ng paggawa sa kasalukuyan.


Mababa ang pagtingin sa mga manggagawa dulot na rin ng kawalan ng mga militanteng unyon na nararapat magtaguyod sa paggawa. 


Noon, may mga lider paggagwang tulad nina Ka Popoy Lagman na kinatatakutan at irespeto ng mga employer dahil sa kanilang marubdob na hangaring itaguyod ang kapakanan ng uring manggagawa.


Manunumbalik ang dating kinang ng hanay paggagawa kung maninindigan ang mga ito sa pagtataguyod ng isang malaking unyon o pederasyong paggawa. 


Ngayon, higit kailanpaman, kailangan ng isang tunay na partido paggawa na aagapay sa uring ito at magtataguyod ng mga kapakanang nasasa batas ngunit nilalabag ng mga kapitalista.


Manapay's itayo ang Partido Patriotikong Manggagawa (PPM) na siyang pangungunahan ang pakikibaka ng uring manggagawa laban sa mga dambuhalang kapitalistang waring parasitista sa kinabukasan at pinagpawisan ng Anak Manggagawa.



No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!