Thursday, February 25, 2016

Tula para sa Bayan

Isang araw, nagkita si Andres at ang Bathala.

“ Bakit po madaling makalimot ang madla?
Tanong ni Andres sa Panginoong Dakila
“ Kunin mo ang aklat ng kasaysayan
at dalhin mo sa aking harapan.”

Kinuha ni Andres ang aklat
At iniharap sa Bathalang nagdudumilat
“ Ibulatlat mo ang kanyang mga pahina
at basahin mo ang mga nakaukit na salita”

Pilit binubuksan ni Andres ang aklat
Lalo na duon sa pahina ng batas militar
Ngunit kahit anong pilit ng binata
Tila may pandikit ang bawat pahina.

“ Mga pahina nya’y tunay na dikit-dikit
upang mga mata mo’y manatiling nakapikit
sa nakapandidiring mga pangitain
nang pang-aabuso’t pandaragit

“ Malagkit ang mga pahina
at sila nga’y kusang nagkalagkit
nang ang mga dugong sinipsip
ng papel duon na’y kumapit.

Sa bawat pahinang may dugo
Hindi magkamayaw ang panibugho
Kaya naman ang mga katotohana’y
Pinalabnaw na ng sari-saring sakit.

Pansining sa mga pahinang walang kulay pula
Malaya mong naipipihit ang mga kabanata
Duon sa mga larawang maganda
Kusang basahin sa tuwi-tuwina.

Sa mga konkretong kabundukan
Sa mga edipikong panlipunan
Sa CPP, Manila Film Center, at San Juanico bridge
Pilit kang itinuturo ng kasaysayan
“ Halika kabataan at iyan ang maganda mong nakaraan
dati’y tahimik at walang gulo
walang droga at basag-ulo
payapa ang bayan irog ko
dahilan yan kay Ferding pangulo.

“ Kung yan ang katotohanan,” usal ni Andres
“ Bakit tila baya’y nagugulumihanan
wala pa ring direksyong patutunguhan
ligaw at sali-saliwa ang kinabukasan?”

sa saliw ng martsang militar,
sa tamis ng mga pangakong pang-asar
hinele ng diktator ang bayan
sa lupain ng gawa-gawang katahimikan
pinagpahimbing at hanggang ngayo’y
tulog ang diwa
sa tunay na kahulugan
ng mabuting pamahalaan.

Kapalit baga ng mga naglalakihang edipisyo
Ang pagnanakaw ng pera sa kaban ng bayan ko?
Kapalit baga ng katahimikan
Ang pagmamaliit ng mga dayuhan?
Kapalit ba ng kaayusan
Ang kitlin ang libo-libong kinabukasan?

“ ligaw ang bayan, Andres
dahil sa walang naipanagot
sa lipunang nabaluktot
kapalit ng kapangyarihan
pinapawalang sala ang
mga tiwali sa lipunan.

“ Ni wala man lamang latay ang mga katawan
ng mga naiwang kawatan ng bayan
basta ang nanalong elitista’y malayang
makapagnanakaw, sila naman.

Sa bango ng kayamanan at
Nakasisilaw na kapangyarihan
Tinalikdan ng mga ama ang kanilang pangarap
Kinubkob ng mga ina ang mga kulisap
At unti-unting natakpan ang bayan
Ng nakapandidiring mga ulap.

Bakit walang takot aniya ang mga tiwali?
At panay-panay ang paggawa ng mali?
Dahil kung ang diktator at ang kanyang
Pamilya
Ay lumaya ng kusa,
Ni walang naparusahan at naposasan
Parusa sa kanilang kabuktutan
Ano baga ang magiging dahilan
Para mo birahin ang isang maliit na kuto
Ng katiwalian sa pamahalaan?

Ni hindi nasilaw ng tabak ni Bernardo
Ang mga ulol na Pilipinong ito
Sadyang walang hiya’t walang budhi
Kanilang mga kasalanang nagiging sanhi
Ng tuloy-tuloy na pagkamuhi
Sa lupaing sinilangan ng saling lahi.

Walang kaluluwang sumisigaw
Walang taong humihiyaw
Mapait ang kapalaran ng Inang Bayan
Ayan siya’t marumi’t handusay
Pagod sa panay-panay
Dangal na kinatay-katay.

Tumulo ang luha ni Andres
At pumatak ito sa lupa.
“ Hayan ang aking mga luha
nawa’y pawiin ang tuyot na lupa.”

Paiinumin ko ng aking mga luha
Ang mga bayaning kinain na ng lupa
Upang mula sa kanila’y umusbong
Matatapang na binhing may
pagIbig sa Inang Bayan.

Pinunit man ng mga elitista
ang kanilang mga alaala
Ngunit naririto ako’t may natitira pang lakas
Upang pangunahan ang panibagong pag-aaklas
Iaalay pa ang natitirang talino’t lakas
Upang Inang Bayan ay makatakas
Sa kulungan ng mga tiwali’t gahaman.




No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!