Sunday, December 9, 2018

Sa amin pa rin ang bukas

sa mga panahong nangangalit ang kalangitan
at ang mga kidlat ay nagsusulputan
malakas ang hangin at walang masilungan
sa matitinding buhos ng ulan.

ako ay naririto para sa iyo.

isipin mo nang ligtas ka
may gabay at may umaaalalay
sa pagtulay mo sa buhay
naririyan lamang ako
handang ipagtanggol ka.

halika't hawakan mo ang aking kamay
at tayo'y tumakas, maglakbay
sa iba't-ibang mga mundo't magsikhay
tumuklas ng mas maraming bagay

iwanan ang mga problema
wala nang magagawa pa.
talikdan ang mga kasalanan
at baguhin ang lipunan.

talamak na kasakiman.
walang paggalang sa kapwa tao.
puro na lamang kasamaan
at walang patumangang nakawan.

ninakawan mo kami ng aming mga kaluluwa
pilit inaalis sa aming katauhan ang pagiging Pilipino
maging ang aming pagiging maginoo
inyo mo nang tinapakan at pinatay.

sa lahat ng ito
mayroong umagang aasahan
mayroong ginhawang mapapala
kung aalisin ang talukap sa mga mata
at kumilos pa ng isa pa.

hinding hindi mo mapapatay ang Pilipino
may kaluluwa kami't pagkatao
sa Dios namin at mga anito
kami ay tatawag pati na mga santo

guguho ang mga payayo
mananahimik ang mga palaso
mananauli ang pagiging maginoo
darating ang takdang araw ng paghuhukom
at ang bayang sinaktan ay maghihilom.


No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!