Friday, May 10, 2019

Liham Para sa mga Kapatid na Pilipino

Sa ating mga kapatid na Pilipino,

Habang tayo ay naghihintay sa ating halalan sa Lunes, tila baga umuusad ang mga araw ng napakabagal. Tatlong araw pa, ngunit sadya yatang naglalaro ang ating Kapalaran at alalaong baga’y ang mga segundo ay tila minuto kung susumahin.  

Binibigyan ba tayo ng Maykapal ng sapat pang panahon upang makapagmuni-muni sa ating mga gagawin sa araw ng halalan? Samu’t-saring mga bagay ang ating pinagkakaabalahan at karamihan sa atin ay abala sa paghahanap-buhay o kaya ay pag-aalaga sa ating mga mahal sa buhay. Kaya naman, bagaman batid ng bawat isa ang kahalagahan ng halalang ito, lahat din naman tayo ay may pananaw na kung ikukumpara sa isang halalang pampanguluhan, ang darating na halalan sa Lunes ay para sa isang kapulungang naging katatawanan sa iilan at walang halaga naman sa karamihan.

Kaya naman, hindi kataka-taka na sa mga nakalipas na halalan, naihalal natin sa Senado ang mga taong mayroong popularidad kaysa kapasidad. Nalulungkot aniya si dating Senador Rene Saguisag bunga diumano ng pagbaba ng kalidad ng mga namumunuan sa Mataas na Kapulungan. May basehan ang kanyang pananaw sapagkat ilang dekada ang nakaraan, karamihan sa mga naihalal ng taumbayan sa kapulungang ito ay may mataas na antas ng kaalaman, mayroong busilak na reputasyon at inani ang kanilang pagkahalal sa direktang pagsisilbi sa bayan. 

Ngayon, namamayani sa mga sarbeys ang ilang mga walang kakayanan at ilang nakitaan ng katiwalian mismo ng mga hukuman. Dahil sa nailagay sa mga pahayagan, tinatanggap na ang mga sarbeys na ito bilang katotohanan batay diumano sa karanasan at dahilan sa siyentipikong pamamaraan. 

Muli tayong nililinlang at ipinamumukha sa atin na kailangan nating sumunod sa dikta ng sarbey. Sila ang paborito ng balana, sabi ng sarbey at masasayang lamang ang boto mo kung hindi ka susunod sa uso.

Paano bang iboboto mo ang isang pogi pero tiwali? Isang anak daw ng masa ngunit nagpasasa sa buwis ng balana? Isang beterano na sa pulitika ngunit tulad ni pogi at ni Estrada, nasama sa listahan ng mga pulitikong nanlinlang sa sambayanan?

Anong gagawin ng isang utusan sa mataas na kapuluan? Palagian ba siyang tatawag sa telepono para hingin ang pananaw ng kanyang prinsipal sa oras ng debatehan? Kaninong interes kaya ang kanyang isusulong kapagka naihalal sa Senado? Sa isang tao na bigla biglang naging pamoso sa kagyat na panahon, tiyak kong marami itong pinagkakautangan ng loob. Malalaki at dambuhalang interes ang kanyang isusulong.

Talaga bang iboboto mo ang isang anak ng napatunayan nang nagnakaw sa kaban ng bayan at ginawang gatasan ang sambayanan? Hindi lang tayo niloko na may diploma daw sa isang pamantasang pamoso, niloloko pa tayo ng isang katiwaliang kontrata sa mismong probinsya nito.

Araw-araw, pinakikinggan natin sa mga radyo at nakikita sa telebisyo ang iba’t-ibang mga anunsyo, ang iba’y inaaliw tayo ng mga sayaw, ang ilan nama’y nagpapa-alaala sa atin ng kani-kanilang mga ginawang serbisyo publiko, na tila baga pinapa alala sa atin ang ating utang na loob sa kanila sa pagseserbisyo nila sa publiko, samantalang sa katotohanan, wala namang pumilit sa kanila na puma imbulog sa pulitika kung hindi ang sarili nilang pagtataya at naising protektahan ang kani-kanilang mga pansariling interes. 

Sa lahat lahat nang ito, ang tanong sa atin ay--- ano ang dikta ng konsensya mo? Masisilaw ka ba sa salapi at katanyagan pero me hungkag na kaisipan? Kumbisido ka bang bigyan pa ng pagkakataon ang mga kandidatong nagnakaw na ng pera ng bayan noon at nakikiusap ibalik sila sa Senado ngayon? Sapat na bang aliwin ka ng sayaw, ng comedy skits at pagkanta sa entablado kapalit ng boto mo? 

Utak at konsensya dapat nating ipagana lalo na sa halalang ito. Kung hindi tayo magiging mapagmatyag at seryoso, tiyak kong ilalagay natin ang bayan sa tunay na peligro.

Nag-aantabay ang Tsina sa di kalayuan. Kritikal para sa kanila ang susunod na tatlong taon. 

Bilyon-bilyon ang kapital na ibinuhos ng Tsina sa Pilipinas. Kailangan nilang protektahan ang mga ito. Tatlong taon na lamang ang administrasyong ito. Kailangang maipatatag ng Tsina ang kanilang impluwensya sa mga kapulungang tulad ng Senado sapagkat dito kinikilatis ang mga kontrata at kasunduang pinasukan ng administrasyong Duterte. 

Kung hindi babantayan ng mga galamay ng Pangulo ang Senado, may makakalusot na kontrobersya tiyak maski isa o dalawa sa mga kontratang pinasukan ng pamahalaang ito. Naipakita na ng Senado bilang isang institusyon ang kakayahan at kapangyarihan nitong ipawalang bisa ang mga kontrata at tratadong minsan nang pinasukan ng gobyerno. 

Kung magpapadala tayo sa uso, magigising na lamang tayo sa isang Senado na utus-utusan lamang ng Ehekutibo. Mawawalan tayo ng isang institusyong magbabantay sa ating mga karapatan. Sisikip ang ating mga gagalawan sapagkat tiyak kong sa natitira pang tatlong taon, marami pang mga karapatang lalabagin ng estado sa ngalan ng pansariling interes ng mga namumunuan dito.

Patuloy na tataas ang mga bilihin sa manipulasyon ng mga kartel na malapit sa makapangyarihan. Mamamayani ang katiwalian, lalakas ang pagpapalusot sa mga pantalan at babaha ng mga makapamuksa at mapanganib na mga bagay na makasisira sa kalusugan ng mga bata, mga ina at mga matatanda. 

Tataas pa ang presyo ng kuryente, ng tubig, ng singil sa toll at ibang pang singilin sapagkat gagawa ng kaparaanan ang pamahalaan upang bayaran ang mga lumulobong pagkakautang nito sa mga dayuhan lalo na sa Tsina at sa mga bangko, lokal man o dayuhan.

Sa loob lamang ng tatlong taong nakaraan, nakita na natin ang paglala ng ating kalagayang panlipunan. Nanumbalik ang karahasan. Binabaha ng iligal na droga ang ating mga lansangan at pamayanan. Nanauli ang palakasan sa mga ahensya ng pamahalaan. Tumaas ang instansya ng katiwalian. 

Bagaman mayroong maraming mga mabubuting bagay ang naisagawa, tulad ng pagpapabilis sa serbisyo publiko, inililigaw tayo sa paniniwalang may kaayusan sa gobyerno gayong matingkad pa sa sikat nang araw na unti-unting ipinagbibili ang ating mga karapatan at mga batayang pagmamay-ari ng ating kapuluan sa mga dayuhan.

Sinasakal din ng mga dambuhalang interes ang pamunuan ng pamahalaan, na bagaman mayroong nagsisilbi dito nang may tunay at marubdob na pagnanais ng kaayusan at pagbabagong panlipunan, ay kinakain sila ng mga kalakarang mapamuksa at naililigaw din ng kinang ng kapangyarihan at kayamanan.

Tulad ng mga naganap sa bayan ng Sodom at Gomorrah bago sila puksain ng Maykapal, lumiit ang bilang ng mga banal sa bayang pangako. Anupa’t may halaga ang pagiging banal sa panahong mas uso ang maging hangal?

Magmuni-muni. Sundin ang utak at konsensya. May halaga ka sa pagbabago. Huwag sayangin ang boto mo. 


No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!