Thursday, June 25, 2015

VP Binay hits Aquino: Palpak and Manhid

Sa dinami-dami ng mga salitang nararapat gamitin, tanging ang mga salitang ito ang ginamit ni Bise Presidente Jejomar Binay para maipakilala at mabigyang liwanag ang Aquino administrasyon--palpak at manhid.

At hinding hindi ako nagtataka bakit niya ginamit ang mga salitang ito--mga salitang dati nang nagpa-alab sa damdamin ng mga Pilipino na naging dahilan para sa pag-aalsa at rebolusyon.

Dalawang salitang sadyang napakalakas ang ibig sabihin para sa ating mga nakakaunawa. Dalawang salitang naging deskripsyon na ng ilang saling lahi sa pamahalaan natin.

Ganyan isinalarawan nina Jose Rizal at Andres Bonifacio ang kolonyal na pamamahala sa kanilang panahon---palpak at manhid. Isang matalas na pagsasalarawan niyan ay ang lagay ng Escolta noong panahon ng mga kastila. Naggagandahan ang mga buildings at puno ng makabagong ilaw dagitab na kinakargahan ng elektrisidad ang kalyeng Escolta ngunit pansinin ang kalye mismo at hindi patag, ni hindi man lamang sementado.

Ganyan isinalarawan ng nasirang bayaning si Senator Benigno S. Aquino Jr ang kanyang pamahalaan nang siya ay nabubuhay pa.

Ganito rin ngayon ang pagkakilala ng ordinaryong Pilipino sa kanyang pamahalaan--palpak at manhid.

Kapag sinabing "palpak" ang isang tao, nangangahulugan ito ng di tamang gawi sa n'ai-atang na trabaho. Anong halaga ng isang tao kung ang pakahulugan sa kanya ay palpak?

Gayundin naman, mas masahol pa sa isang ganid ang manhid, sapagkat pinatutungkulan nito ang estadong emosyunal. Maganda nga ang ugali mo pero kung manhid ka naman sa mga kaganapan sa paligid mo, wala ka rin.

Pansinin---ang pinaka matindi at pinaka-makinang na pagsasalarawan sa pagka-palpak at pagka-manhid ng administrasyong Aquino ay ang patuloy na paghihirap ng mga MRT/LRT commuters.

Palpak na operasyon at nagpapatuloy dahil manhid sa kalagayan ng mga mananakay ang pamahalaan.  Inuna pa ang pagkakaroon ng panibagong ticketing system ang DOTC keysa unahin ang pagpapatibay ng sistema at pagdagdag ng makabagong bagon.

Pansinin---ang gawi ni MMDA chairman Tolentino. Imbes na alagaan ang lagay ng Metro Manila, lalo na ang traffic, ninais nitong puntahan ang isang piyesta sa isang malayong bayan sa Bicol gamit gamit ang mga pasilidad ng pamahalaan.

" Wala akong nilabag na batas," depensa ni Tolentino. Hindi ba nasagi man lamang sa isipan nitong si Tolentino na bayad ng taumbayan ang kanyang oras? Na ang ginagamit niyang sasakyan na nakalista sa MMDA ay gumagastos ng pera ng bayan? Hindi man lamang ba inisip ni Tolentino na ang perang ginagasta ng kanyang mga kasamahang taga MMDA ay galing sa pera ng bayan?

Palpak na, manhid pa itong si Tolentino. Palpak dahil sa maling pagkakilala sa kanyang tungkulin bilang lingkod bayan. Inaasahan ng bayan na sa bawat minutong kanyang pagkakasilbi bilang MMDA chairman, bayad ito sa pamamagitan ng paggamit nito sa dapat pagkagamitan--ang pag-aalay ng oras sa tungkuling ipinangakong tutupdin.