May mga haka-haka na tatakbo sa ilalim ng partido Nacionalista si Col. Ariel Querubin na nagpahayag na ng kanyang kahandaang tumakbo bilang senador. Samantalang, iniisip naman ni General Danny Lim kung sa Liberal Party siya tataya o sa Nacionalist People's Coalition (NPC) na sigurado nang pangungunahan ni Chiz Escudero. Ayon sa ilang tagamasid, kailangang sumanib muna sa mga tradisyunal na partido ang dalawang repormistang opisyales upang matiyak ang kanilang panalo sa darating na eleksyon.
Kunsabagay, lohikal nga para sa kanila ang sumailalim sa mga partidong may malalaking makinarya, ngunit kung ako ang tatanungin, mas maganda sanang sumanib na lamang sa isang tunay na repormistang partido ang dalawa, lalo na si Danny Lim at maging adopted o guest candidate na lamang sila ng mga tradisyunal na partido. Mas malakas ang mensahe nun. Ipinapahiwatig na may matatag at nananatili silang matatag sa kanilang prinsipyo.
Hindi ko maubos isiping kasapi ng Liberal ang isang Danny Lim sapagkat mas malawak pa kaysa dagat ang pagitan ng kanilang paniniwala. Hindi ko rin mailagay ng tama sa isip ko ang isang Ariel Querubin na tatakbo sa ilalim ng isang taong batid ng taumbayan na isang land speculator at tagawasak ng mga buhay ng mga magsasaka sa kanayunan.
Maaari sanang tumakbo na lamang sila sa isang partido, gaya siguro ng Partido ng Lakas ng Masa o PLM na isang lehitimong partido pulitikal. Hindi ito gaya ng mga tradisyunal na organisasyon sapagkat ang mga kasanib nito'y mga nagbuwis na ng buhay at kinabukasan para sa pakikibaka. Maganda kung ito ang patatatagin nina Danny Lim at Querubin. Huwag silang matakot na kakaunti ang resources nito o papausbong pa lamang ang network nito sa ating bansa. Magandang simulan na ngayon pa lamang ang pagpapalaki sa isang tunay na Partidong kakatawanin ang kapakanan at adhikain ng masang Pilipino.
Ano na lamang ang sasabihin ng madla sa dalawang ito, na hilig nilang makipaglaro o makipagdaupang palad sa mga trapo? Kapwa mga trapo ang Liberal, NPC at Nacionalista at wala ni isa sa kanila ang may tunay na puso para sa Sambayanang Pilipino.
Kung totoo ang sinasabi nina Danny Lim at Ariel Querubin na para sila sa tunay na pagbabago ng lipunang Pilipino, maging consistent sila at iwasan o talikdan ang pagsanib puwersa sa mga trapo. Huwag nilang bigyan ng legitimacy ang mga partido ng mga trapo sa pamamagitan ng tuluyang pagsanib sa kanila. Yan ay malinaw na patibong na nararapat iwasan.
No comments:
Post a Comment
Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!