Friday, September 4, 2009

Ka Erano Manalo


Makasaysayan ang taong ito sapagkat dalawa sa ating mga pinaka mamahal na Pilipino ay kinuha na ng Maykapal.
Noong unang araw ng Agosto, pinagpahinga na ng Panginoong Dios si Cory. Isang buwan naman ang nakalipas, ang Tagapamahalaang Pangkalahatan naman ng Iglesia Ni Kristo (INK) ang kinuha na ng Panginoong Dios.
Dalawang mahahalagang personalidad, dalawang nagtatak ng kanilang mahahalagang papel sa buhay ng mga Pilipino. Anong nais sabihin sa atin ng Poong Maykapal?
Una, baka sinasabi sa atin ng Dios Ama na kailangang tumayo tayo sa ating dalawang paa para makamit ang paglaya laban sa mga hamong pulitikal. Ikalawa, baka nais sabihin sa atin ng Dios Ama na simula na ng muli nating pananabik sa kanyang mga salita sa sandaling kunin Niya ang kanyang mga sugo.
Apatnaput anim na taong nagsilbi sa kawan ng mga mananapalataya si Ka Erdy. Hindi matatawaran ang kanyang naibuwis para sa Iglesia ni Kristo. Buong buhay niya ay inialay niya sa pagpapalaganap ng tunay na mensahe ng Dios Ama at sampu ng kanyang pamilya, walang sawang naging manggagawa ng Salita ng Buhay.
Sa pamamahala ni Ka Erdy, naipalaganap sa buong mundo ang tunay na mensahe ng Dios Ama. Noong 1994, natupad ang hula na makababalik ang tunay na Iglesia sa kanyang pinagmulan---ang Herusalem.
Katuparan din ng hula para sa mga kaanib ng Iglesia ni Kristo ang pagkawala ngayon ni Ka Erdy. Nang siya pa ay nabubuhay, lagi niyang pinaaalalahanan ang mga kaanib na manampalataya, sumunod sa mga kautusan ng Dios, maging matwid at maging buhay at dalisay na patotoo ng isang Tunay na lingkod ng Dios mula sa simula hanggang sa wakas. Nito ngang mga huling araw ni Ka Erdy, pinaalalahanan niya ang mga kaanib na ang mga huling araw ay nasasa trangkahan na ng ating mga pintuan.
Natupad na ang hula na magkakaroon ng isang panahong maglalaho na ang mga tunay na alagad ng Tunay na Dios at mananauli ang kasakiman at kasamaan. Ginawang mahusay ni Ka Erdy ang iniatang na responsibilidad sa kanya sa pamamagitan ng panayang pagpapaalaala sa mga kaanib ng Iglesia na magpakatatag at magpaka linis sa kanilang mga buhay dahil nalalapit na ang paghuhukom.
Ngayong wala na si Ka Erdy, nawa'y bigyang pugay natin ang kanyang pagpapagal sa pamamagitan ng tuwirang pagsunod sa kanyang mga tagubilin at mamuhay ayon sa naisin ng tunay at nagiisang Dios.


No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!