Wednesday, November 4, 2009

Ang Ideyolohikal na modelo Para sa Kaisang Diwa

Pagpapakita ng Kaisang Diwa sa Kasaysayan

Natalakay ko sa ibang blog entry ang kahalagahan ng Kaisang Diwa at ang pag-usbong nito sa iba't-ibang bahagi ng ating kasaysayan. Nuong nasasa ilalim tayo ng dayuhang pamamahala, naging liwanag para sa lahat ang Kaisang Diwa sa tunguhin ng rebolusyon. Nang maging indipiendente tayo sa katawagan ngunit hindi sa katotohanan, umuusbong ang Kaisang Diwa sa sandaling may krisis ang bayan. Noong batas militar, nagkaroon ng Kaisang Diwang patalsikin ang nakaupong diktador. Piniling moda ay yaong tinatawag na "peaceful revolution". Pulitikal ang layunin ngunit panlipunan ang adhikain sa pagbabago.

Mula sa rebolusyon tungo sa Meloto Model

Nang unti-unting nalusaw ang mga pangakong at pag-asang dulot ng dalawang EDSA, umuusbong na lamang ang Kaisang Diwa sa panahon ng trahedya. Napapangalagaan na lamang ito sa maliitang estahe sa pamamagitan ng mga tinatawag na "civic works", tulad ng ginagawa nina Tony Meloto at iba pa. Napapanatili rin ito sa mga gawaing pulitikal ng mga cause-oriented groups gaya ng BayanMuna, Sanlakas at Partido ng Lakas ng Masa. Napanatili sa maliitang proyekto ang Kaisang Diwa.

Ngayong mayroong pangangailangan sa malakihan at kolektibong paggalaw ang masa, papaano pauusbungin ang Kaisang Diwa at bigyang laya ito sa conong pananaw na "boluntarismo" at ang "Meloto model"? Papaano magiging pinakamalakas na puwersang pampulitikal ang Kaisang Diwa upang maging daan tungo sa pagbabagong panlipunan?

Kaisang Diwa: sintesis ng "lalawigan" at "Bayan"

Una, sa kanyang kalikasan, ang Kaisang Diwa ay nangangailangan ng pagdurog ng mga konsepto ng "panlalawigan" at "pang syudad". Batid natin na ang dalawang konseptong ito ay mayroong kanya-kanyang dalahing "socio-cultural" realms of thought na magkaiba. Krusyal kung gayon ang gampanin ng makabagong teknolohiya sa paglusaw ng dalawang konseptong ito, sapagkat ang sintesis ng dalawa ay depende sa bilis ng pagdating ng teknolohiya mula sa syudad patungo sa lalawigan.

Gampanin ng makabagong teknolohiya sa Kaisang Diwa

Pangunahing gampanin o adhikain ng isang rebolusyunista ay ang gamitin ang makabagong teknolohiya upang maabot ang masang nasasa lalawigan at durugin ang kanilang piyudad na paniniwala. Hindi maaaring tuluyang magupo ng puwersang syudad ang lalawigan; kundi ang maaaring gawin ay ang isang sintesis mula sa iisang karanasang pambayan. Ano ang karanasang ito na siyang magiging daan tungo sa Kaisang Diwa?

Panlipunang karanasan tungo sa Kaisang Diwa

Ang karanasang trahedya. May halagang mabatid ng bawat isang Pilipino na sadlak siya sa trahedya ng kapabayaan ng kanyang pamahalaan. Sa sandaling mapagtanto ng Masa na mas malalang trahedya ang pampulitikang sistema, unti-unting magkakaroon ng sistesis o Kaisang Diwa ang lahat. Ano naman ang tunguhin sa sandaling may Kaisang Diwa?

Kilusan tungo sa rekonstruksyon ng bayan bunga ng mga sakit ng lipunan tulad ng korupsyon, kapabayaan, tradisyunal na paniniwalang pampulitika, at iba pa. Kung sino man ang manguna sa rekonstruksyon ng lipunan, siya ang tiyak na mananalo sa darating na halalan. Kung sino man ang mamuno sa kilusang ito, siya ang tatanghaling pinuno ng rebolusyon tungo sa malawakang pagbabago.

Kolektibong karanasan, iisang Katipunan

Ikalawa, ang damdaming pangKatipunan. Mahalagang malaman ng mga Kaisang Diwa na pumapaloob sila sa isang Katipunan. Ang Bagong Katipunang ito ay may tunguhing rebolusyunista---ang rekonstruksyon ng mga sinirang institusyong pambayan. Sasalaminin ng Bagong Katipunang ito ang isang Kilusan na may iisang adhikain. 

Iisang Katipunan, isahang galaw ng Bansa

Ikatlo, at ito ay hindi mapapasubalian, ay ang kahalagahan ng pagiging Kaisang Diwa tungo sa pagkilos pambayan. Hindi lamang sa lebel ng maliitang pagkilos nararapat kundi sa isahang paggalaw. Ito ay isang mahalagang aspeto ng modelo sapagkat tunguhin nito ang paglikha ng isang Bansa.

Bansa=Kaisang Diwa

Hindi pa ganap na bansa ang Pilipinas sapagkat hindi pa tumutuntong sa panlipunang lebel ang Kaisang Diwa. Sa sandaling ang bawat isa ay sumanib na sa Bagong Katipunan, at pangatawanan ang paglusaw ng mga konseptong "akin" tungo sa "atin"; "ako" tungo sa "tayo", lilitaw ang Bagong Bansa.

No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!