Pinanganak ako sa gitna ng kaguluhan
liwanag ng karahasan
ang unang ilaw
ng aking kamusmusan
inuyayi ako ng mga sigaw ng pagbabago
sa sulok ng maliit na bahay semento
nabuo ang sisidlan ng aking pagkatao.
Puhunan ng aking mga magulang
anak ng mga nasirang Maharlika
inalisan ng mana ng mga Kastilang
kawatan
na hanggang ngayo'y
anay at salot ng lipunan.
lumaki sa hanay ng mga maton
pana at espada ang tanging nakikita
sa mga pasilyo't daanan ng tao
nakahandusay mga lasenggero.
gatas ko'y Nido na sinamahan ng isang
gatang ng Bona,
ihahalo sa tubig na galing sa poso
ipaiinom sa gusgusing sanggol de peligro.
sa kuwadradong bahay semento
tubig ay kinukuha sa poso
hahati-hatiin sa labindalawang katao
isang batyang tubig pampaligo.
gutom ko'y panay-panay
sa loob ng kuwadradong bahay
asin ang ulam sa araw-araw
libre lang ang hangin at tubig na
me yelo.
masarap na ang isang basong munggo
samahan pa ng malunggay sa kanto
kung may maalat na itlog, solb na
ang buto-buto,
samahan pa ng
mainit na kaning gawa sa kalang bato.
higaan ko ang malamig na semento
hangin ko'y amoy aspalto
banig ko'y bili sa Stop and Shop
dyan katabi ng simbahang Katoliko.
sa dakong silangan natatanawan
mula sa bubong ng konkretong bahay
mula sa sikatan ng araw tumambad
mga dambuhalang bahay ng mga
kawatan,
Pasig lamang ang pagitan
nitong konkretong bahay at yaong
mga tanda ng kayamanan.
ninakaw na mana mula sa masa
ang ipinantayo sa mga dambuhalang bahay bato
ninakaw na yamang galing sa pawis ng maralita
ginawang stocks ng mga taong kawatang walang awa.
sa telebisyo, makikita si Macoy
bagong lipunan daw ang sagot
sa kumakalam na sikmura ng
mga tulad kong harot
ngunit ang Bagong Lipunan
ay bago lamang sa mga
nagpasasa sa yamang kawatan
sa ikapitong palapag ng bahay semento
nakatira ang labindalawang katao
samahan pa ng dalawang daang pamilyang
nagsisiksikan sa animo'y
konkretong kagubatan sa gitna ng Kamaynilaan.
inunat ko ang aking mga bisig
tinanggap ang kapalarang may kisig
nagsikhay sa pag-aaral at nakatapos
sa prestigihosong kolehiyo ng mga kapos.
umalagpas ako sa kulungan ng kahirapan
biniyak ang sumpa ng kagutuman
winakasan ko ang nakatakdang kapalaran
sa pamamagitan lamang ng pagsisikhay
sa pag-aaral.
kung sila'y nangarap humilagpos mula
sa tadhana ng kahirapan
sa pagtanaw sa pag-asa ng Kanluran
iba ako't
pinili kong dito wakasan ang pakikipaglaban
upang ipakita sa Sanlibutan
na kayang wakasan ang sumpa
kung dito magsisikhay at makikipaglaban.
sa araw-araw wari'y isang pakikihamok
laban sa kaisipang mapamuksa
laban sa lumang kagawian
laban sa mapangahas na pulahaw ng
kahirapan
unti-unting nilalapitan ng bangis ng
kalupitan
ang mga dipang sadyang mabigat
para sa Anak ng konkretong kagubatan.
Oo, pinanganak ako sa gitna ng kaguluhan
pagkain ko ang kahirapan sa araw-araw
pinako ako ng sumpa ng kagutuman
sa sisidlan ng sementong tirahan
binuo ko ang aking kamalayan.
huhulagpos ako sa kulungan
ng mga maling paniniwala
bibiyakin ko ang gawa ng mga luma
wawasakin ko ang mga gawa ng mga walang awa
at papandayin ko ang isang
bukas na may magandang umaga!
No comments:
Post a Comment
Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!