Thursday, December 24, 2009

Ako ay Pinoy--regalong tula para sa aking Kapwa Pilipino


Ako’y Pinoy



Ni Patricio Mangubat



Ako’y Pinoy
Pinanganak ako sa gitna ng Asya
Magulang ko’y Kastila’t timawa
isinilang ako sa gitna ng kawa
inihangong may lakas at
may angking ganda.


Ako’y Pinoy
Sanggol ng mga Intelligentsia
Anak sa labas ng mga taga Espana
Kinamuhian ng Masa noong una.

Ako’y Pinoy
Inuyayi ako ng mga palahaw ng Indipiendensya
Binuo ako mula sa dugo ng Indio
Tawag sa aki’y hilaw na Asyano
Tubong Kanluran, pinanganak sa Silangan.



Ako’y Pinoy
Lumaki sa yaman ng kalikasan
Ngunit alila sa sariling tahanan
Inalipusta ng mga Dayuhan
Ikinulong sa kahirapan
Isinumpa sa kagutuman
Iginapos sa kamangmangan.

Ako’y Pinoy
Dugong Tsino samahan pa ng Amerikano
Hapon, Ingles, Dutch, Pranses at Italyano
Ang dumadaloy sa ugat ko


Samahan pa ng dugong Negrito
Iyan ang Pilipino.


Ako’y Pinoy
Lahi ng mga Bayani
Mutya ng mga Binibini
Pinuno ng mga salinlahi
Anak na Pinili.

Ako’y Pinoy
Anak ako ng aking mga magulang
Ang ama ko’y si Kanluran.
Ang ina ko’y ang Silangan.
Binhi ako ng lahing Maharlika
Mula sa kawa ng Indiong Timawa.


Ako’y Pinoy
Muslim ako at Kristiyano.
Hindu at Katoliko.
Ang Iglesia Ko ay Sambayanang Ninuno
Pinili ng Dios mula sa kawang bato.


Ako’y Pinoy
Batan ang aking pinagmulan. Ilokano ang aking kamusmusan
Pangalatok ang aking kaisipan. Bulakenyo’t Davaoenyo ang
Aking kagandahan.
Panlasa ko’y hango sa Katagalugan
Kasipagan ko’y waring galing sa Cagayan.
Katapangan ko’y dili’t iba’y Bikolano
Walang dayuhang nakatalo
Sa Batangenyong may dalang bolo.


Hibla ng aking buhok, galing sa Mindoro
Balat ko’y angking Cebuano
Mata ko’y hango sa mga Zamboangenyo
Paniniwala ko’y tubong Suluano.


Salita ko’y malambing na Ilonggo
Ilong ko’y tiyak Pampango
Isip ko’y Leyteno
Mga kamay ko’y tubong Iloilo.

Ako’y Pinoy
Walang problemang hindi ko kayang lusutan
Walang balakid sa piniling kapalaran
Kaya kong wasakin ang kulungan ng kahirapan
Basta’t tangan ko ang ilaw ng tamang Kamalayan.


Ako’y Pinoy
Puri ako ng mga dayuhan
Sa boksing at kantahan
lakas ng kamay ko’y gumagawa ng mga
lipunan
dunong ko’y nagpapanday ng
kinabukasan.

Ako’y Pinoy
Bida ako sa mga umpukan
Serbesa ko’y ang aking karunungan
Pulutan ko’y ang aking kagandahan.


Ako’y Pinoy
Galit ako sa mga kawatan
Muhi ako sa kawalang katarungan
Suklam ako sa kahirapan
Sumpain ko ang kagutuman.


Ako’y Pinoy
Pinalaki akong may
Takot sa Dios
Ngunit kung may kasamaan
Handa akong makipaglaban.


Ako’y Pinoy
Sa salin Diwa papandayin ko ang Malayang Lipunan
Sa lakas ng aking tinig, papalahaw ako ng isang malakas na sigaw
Na yayanig sa mga taong ulila’t nangangatog sa ginaw
Papawiin ko ang kanilang mga gutom
Aalisin ko ang mga sapot ng kanilang kaluluwa
Palalayain ko ang Inang Bayan
At itatayo ang Bagong Bayan!

Ako'y Pinoy
hikahos, nakagapos, pero huhulagpos!
itatayo ang Pag-Asa mula sa pagkabusabos!
at papandayin ang kinabukasang
may laya, may katarungan, may kapayapaan!


No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!