Monday, December 7, 2009

Gen. Pangilinan: Palawigin ang Batas Militar Hanggang 2010 polls


Hindi pa man nag-iinit ang tumbong ng militar bilang tagapangasiwa ng lalawigan ng Maguindanao, heto na ang isang Major General Gaudencio Pangilinan, AFP Vice Chief of Operations, na nagpapanukalang ipalawig ang martial law hanggang sa eleksyon sa Mayo.

At ito'y walang kagatol-gatol na ipinanukala ni General Pangilinan sa harap ng midya kahapon.

Ayon kay Major General Pangilinan, miyembro ng PMA Class 1978, ipakikita umano ng AFP sa mga Maguindanaoan papaano magkaroon ng isang "clean and credible elections."

Para maisakatuparan umano ito, kailangang mapalawig ang martial law hanggang limang buwan, o tatlong buwan pang dagdag sa dalawang buwang ipinagkaloob ng Saligang-Batas sa Pangulo.

Ito na ang sinasabi kong malaking problema. Dahilan sa tagumpay ng administrasyong ito na maisagawa ang kanilang maitim na balak sa kawalan ng malawakang oposisyon, mukhang nasasarapan na at nangangarap ang isang opisyales militar na gaya ni Pangilinan.

At mukhang ang isang pangarap nitong si Pangilinan ay mapalawig din ang mga lugar na sasakupin ng batas militar. Dahilan sa ipinaglalandakan na rin nitong si Pangilinan na kailangan ang batas militar upang masigurado ang isang malinis at may kredibilidad na halalan.

Nakalimutan siguro ni Pangilinan na HINDI ITO ang punong dahilan bakit naisailalim ang Maguindanao sa batas militar. At kung ito man ang nasasa isip nitong si Pangilinan, ito ay nakapanghihilakbot dahil sa manipistasyon ito ng unti-unting pagkagising ng ilang opisyales de militar sa posibilidad na pamahalaan ang buong bansa sa ilalim ng batas militar.

Mukhang magkakaroon talaga ng batas militar sa mga susunod na linggo.

No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!