Sunday, December 6, 2009

Proclamation 1959---mansanas na may lason para kay AFP Chief General Ibrado


Nakapanghilakbot ang maaaring maging epekto ng Proklamasyon 1959, hindi lamang sa pampulitikal na aspeto ng ating pamumuhay kundi na rin sa pangkalahatang direksyong tatahakin ng bansa sa mga susunod na panahon.


Hindi man aminin o kilalanin ni Ginang Gloria Macapagal-Arroyo, sampu ng kanyang mga alipores sa Malakanyang, liban kay Defense secretary Norberto Gonzales, may malaking epekto ito sa propesyunalismo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Direktang hamon ito kay Ibrado, lalo na sa kanyang kakayahang kontrolin ang sitwasyon nang hindi kinakailangan pang magdeklara ng batas militar.

Kung tutuusin, malaking sampal ang Proclamation 1959 sa liderato ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Bakit kamo? Dahilan sa bago pa ito ipinatupad, isinailalim na sa State of Emergency ang Maguindanao. Bunsod nito, nagpadala na ng libo-libong tropang militar ang AFP sa pamumuno ni General Victor Ibrado. Bakit kinailangan pang isailalim ito sa batas militar gayong sang-ayon kay Ibrado, kalmado na at kontrolado ang sitwasyon? Malinaw na sinadya ang proklamasyon upang pahiyain si Ibrado at magkaroon ng guwang ang relasyon sa pagitan ng PMA Class 1976 (Ibrado) at PMA Class 1977 (General Raymundo Ferrer, na siyang tumatayong Military General sa Maguindanao). Kung may paggalang ang Malakanyang kay Ibrado, nakabuti sanang ipinasailalim ang Maguindanao hindi sa isang mas mababang ranggong heneral kundi sa C-S o Chief of Staff.



 
Sa ganitong sitwasyon, binibigyang daan nito ang isang insidenteng kahawig ng Oplan August Moon---ang pagpapatalsik kay Ibrado bilang Chief of Staff na kakasangkapaning kadahilanan ang paglala ng sitwasyong pang-kapayapaan sa Maguindanao at sa buong Mindanao. Hinog na ang panahon upang maisakatuparan ng mga nag-uudyok kay Mrs. Arroyo na bigyang laya ang kanyang tutang si Lt. General Bangit na makupo ang kapangyarihan ng AFP.
 
Latag na ang mga bataan ni Bangit sa matataas na posisyon sa AFP at maging sa PNP. Sa totoo lang, nag "testing the waters" na ang PMA Class 1978 nang ideklara sa "blue alert" ni Major General Mapagu, chief ng NCR Command ang buong Kamaynilaan bago pa ang deklarasyon ng batas militar, isang pahiwatig na naghahanda sa isang nakapangyayaring sitwasyon ang mga ito.

Dahilan sa maling aplikasyon o pagpapatupad ng batas militar sa malalabo at gawa-gawang kadahilinan, binigyang loob nito ang mga nagpapanukala para sa isang hunta o pamahalaan sa ilalim ng militar.

Pinapatikim ng mga alipores ni Ginang Arroyo sa matataas na opisyales ng militar kung gaano kasarap pamunuan ang pamahalaan---isang nakatatakot at nakapanghihilakbot na kalagayang maaaring maging daan sa isang diktaduryang militar. Inihahalintulad ko ito sa isang mansanas na may lason at pinatitikim sa mga opisyales de militar na walang pagsasa-alang-alang sa epekto nito sa demokrasya sa Pilipinas.

Sa kadahilanang nakalusot sa taumbayan ang Proklamasyon 1959, ipinapahiwatig nito na hinog na rin ang sitwasyon sa kahit anumang aksyon o pagkilos na maaaring gawin o kasangkapanin ng mga agila sa loob ng palasyo.

Komportable ang Palasyo na makipagtalik sa mga agila sa militar kapalit ng pagpapalawig ng termino ni Ginang Arroyo. Maaaring modified Thai model ang gawin ng mga ito sa sandaling magtagumpay sila sa kanilang maitim na balak, kumbaga'y panandaliang hindi pauupuin si Gng. Arroyo at sasabihing transitory president. Itutuloy ang charter change at ipahihintulot ang eleksyon sa Mayo, hindi upang mailuklok ang bagong pangulo kundi upang mailuklok ang Prime Minister.

No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!