Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Executive secretary Eduardo Ermita hinggil sa pagkandidato ni Pangulong Arroyo bilang kongresista sa Pampanga---hangad ni Mrs. Arroyo na mabago ang Konstitusyon at kanya itong pamumunuan sa sandaling hirangin siya bilang kinatawan ng kamara.
Ayon kay Ermita, ilang beses nang nabigo si Mrs. Arroyo. Ilang beses nang mapurnada ang balaking ito ng mga kalaban ng pamahalaan. Umaasa aniya si Mrs. Arroyo na mababago ito sa sandaling matapos ang eleksyon sa Mayo 2010.
Sa direktang pag-aming ito ni Ermita, direkta din dapat ang sagot sa problemang ito na ang pangalan ay Arroyo---nararapat na ipamukha ng taumbayan kay Ginang Arroyo sampu ng kanyang mga alipores na sapat na ang siyam na taon niya sa kapangyarihan. Sapat na ang ipinagkatiwalang oras at panahon ng taumbayan sa kanyang bangkaroteng pamahalaan. Sapat na ang bilyon-bilyong pisong ninakaw niya pati ng iba pang mga kawatan sa pamahalaan. Sapat na.
Kung hindi mapahinuhod si Ginang Arroyo sa kanyang kahibangan. Kung magpapatuloy siya sa kanyang balaking ipahiya ang Tanggapan ng Pangulo at kung ipagpapatuloy niya ang kanyang gahamang pamamahala, walang ibang paraan kundi maipagkaisa ang taumbayan, at bago pa man ang halalan, kitlin ang mga pangarap na ito sa pamamagitan ng isang nakapangyayaring rebolusyon.
Sa mga nagnanais ng bagong umaga---panahon na upang aminin natin sa ating mga sarili na hindi halalan ang sagot sa ating mga suliranin kundi bago pa man tayo gumastos ng isang kusing, bago pa man pormal na isagawa ang halalan at bago pa man natin simulan ang demokratikong pagbabago--aminin natin ang kahalagahan ng rebolusyon.
Sa pagsampa ni Mrs. Arroyo sa halalan, binigyang diin niya at halaga na hindi halalan ang tatapos sa kahibangang may tatak at markang Arroyo. Matatapos ang kahibangan sa pamamagitan ng puwersahang pagpapatalsik sa kanya sa puwesto.
Panahon na upang ang mga Bagong Pilipino sa Bagong Henerasyon ay magsitayo at magsipanindigan tungo sa tunay na Pagbabago.
Rebolusyon, hindi muna eleksyon.
Hustisya muna bago halalan.
No comments:
Post a Comment
Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!