Saturday, February 25, 2017

Lalaban tayo!

Kalimutan ang nakaraan. Yan ang nais ng pamahalaang ito na gawin natin. Kalimutan ang mapapait na nakaraan lalo na yaong pinatalsik si dating pangulong Marcos sa kapangyarihan. Kalimutan natin ang mga pagnanakaw, ang mga pagpatay at ang mga pang-aabusong ginawa ng pamahalaan noon.

Okey na okey. Kapagka may kapalpakan silang ginawa sa kanilang pamumuno, gusto naman nila tayong umaalala. Talagang hindi mawari kung ano ang gusto nitong mga nasasa pamunuan natin.

Nakalulungkot na dapat sana itong araw na ito ay araw ng pagkakaisa. Ngunit, nariyan ang dalawang grupo---isa nasasa EDSA at isa naman ay nasasa Luneta. Hindi batid ng mga nag-udyok sa Pangulong Duterte, pero ito mismo ang bansa 31 taon na ang nakaraan, nang basagin ng mahigit isang milyong Pilipino ang kadilimang lumukob sa buong bayan bunga ng batas militar.

Naaalala ko pa 31 taong nakaraan nang manawagan din ng mga tao ang mga galamay ng diktadurya upang muling maibalik sa kapangyarihan ang mga Marcoses sa ilalim na ng bagong gobyernong pinamunuan ni Cory Aquino.

Tao sa tao, Pilipino sa Pilipino. Ang mensahe ng pagkakaisa ay winasak ng mga pansariling interes ng mga taong kabilang sa elitistang mga grupo.

Bakit ba kailangan tayong magkawatak-watak? Ilang taon din ang binuno natin bilang isang lahi upang tayo'y maging isang bansa. Ngunit, dahil lamang sa kapritso ng ating bagong pamunuan, muli na naman tayong nawatak bilang isang bansa, isang bayan.

Pilit tayong pinaghihiwalay ng estado, upang wala na nga namang lumaban sa sandaling muling sumukob ang kadiliman.

Hindi ba nila nakikita? Minamahal ng bawat Pilipino ang liwanag. Walang Pilipinong papayag na muling lukuban ng kadiliman ang buong bayan, wala.

Hindi mananaig ng kadiliman ang kaliwanagan. Ito'y nakaukit na sa kasaysayan. Mabibigo ang mga taong nagnanais na sakupin ang ating buong bayan para lamang sa pansarili nilang mga kapakanan.

Kung noon ay nagawa nating tanggapin ang diktadurya. Ngayon, walang ni isang nilalang man lamang ang papayag na gupuin sila ng takot at dilim.

Lalaban tayo.

No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!