Ayon kay Jose Rizal, ang hindi magmahal sa sariling wika, daig pa ang isang malansang isda. Ibig bagang sabihin nito, malansang isda ang Kataas-taasang Hukuman nang pahintulutan nitong alisin ang Pilipino bilang sabjek sa college curriculum? Posible.
Tama si Senate president Tito Sotto--ang ating wika ay siyang nagbibigay sa atin ng pagkakakilala o identidad. Kakaiba ang ating wika. Ito ang siyang nagtatagni sa atin bilang Pilipino.
Pumaibang bansa ka at makikilala mo ang isang Pilipino kapagka nagsalita na siya ng Pilipino. Para bagang badge of honor kung makakapagsalita ka ng Pilipino.
Inihahabi natin ang ating mga pangarap, ang ating mga damdamin maging ang ating mga panaginip sa pamamagitan ng ating sariling wika. Nakakabit ito sa ating pagkatao.
Kung ang mga dayuhan nga, pilit pinag-aralan ang ating wika upang lubusan nila tayong maintindihan, bakit naman ang Kataas-taasang Hukuman ay hindi?
Kung idadaan mo nga naman sa ating mga batas, mayroong kapangyarihan ang Commission on Higher Education na magdesisyon pabor sa pag-alis ng wikang Pilipino sa curriculum. Ngunit, mas nakatataas ba ang CHed sa saligang batas? Sa saligang batas mismo nakaukit ang mga imortal na katagang nagtataguyod sa Pilipino bilang lengua franca sa Pilipinas.
Talikdan natin ang mga paratang sa wikang ito bilang hiram, hindi eksakto o chopsuey o pinaghalo-halong hiram na wika mula sa iba't-ibang wikang mas matanda sa kanya. Walang wikang perpekto. Lahat ng wika ay hiram na wika mula sa sinapupunan ng unang wika.
Nagpapakita lamang nang kasariwaan at kayamanan ng Pilipino bilang isang wika ang mga hiram na salita. Sa Pilipino, inilalantad din ang ating kasaysayan bilang isang bansa. Nakahabi sa Pilipino ang pakikibaka ng ating mga ninuno. Ito ang kaluluwang nagluwal ng samu't-saring pagsasakripisyo para lamang galangin tayo bilang mga Pilipino, bilang mga tao, at bilang isang bansa.
Ito rin ang nagpapakita ng kapatiran ng bawat isang ipinanganak o may dugong Pilipino. Ang Pilipino ang nagpapaalala sa atin ng ating pagkakaisa bilang mga magkakapatid sa ilalim ng bansang Pilipinas.
No comments:
Post a Comment
Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!