Thursday, December 20, 2018

Sikat at liwanag

Ikaw ay siyang unang sinag na tumakas mula sa dilim
liwanag sa kabila ng kagat ng takip silim
sumusuot sa kailaliman ng kaluluwa
dinudurog mga dati nang paniniwala
at pinakakawala
mga katamkatam
na alaala.

Sa iyong pagdampi sa aking mga labi
kinikinis nito ang mga guni-guni
natutunaw mga agiw sa tabi-tabi
nagiging high definition TV
kumakapit, kumakati.

naaninag ko ang liwanag
sa kuyom kong mga daliri
pilit sumisirit sa mga guwang
nagtatangkang kumawala

at sa kanyang muling pag-alpas
ilan kayang buhay ang maaagnas?
sa pait ng kanyang mga kwento
ilan dito ang bubuhay sa mga bato?

singbilis ng kidlat siya ay magsisiwalat
ng tamis at pait ng buhay na ito
na produkto ng kapitalismo
na siyang umaalila sa mga tao.

sisirit din ang liwanag
sa mga madidilim na iskenita
at maglalaon at susukwang
ang mga ligaw na damo sa
bitak-bitak nang mga lupain.

nakikiramdam ang mga alipin
sa paghina ng mayabang na panginoon
hinihintay ang hatol noon pang daang taon
na pupunit sa kasinungalingan
ng ating pagkalalang.


No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!