Thursday, July 16, 2009

PPCRV-COMELEC Presidentiable Forum sa Plaza Miranda--Mabuhay!


Maganda ang kinalabasan ng isinagawang presidential forum ng PPCRV at COMELEC ngayong gabi. Bagamat nabasa ako sampu ng pamilya ko sa ulan, hinamak namin ang bagyo, makadaupang palad lamang ang mga makabayang mga pinunong ito na handang handang pagsilbihan tayo at ituwid ang kamaliang ang pangalan ay Gloria Macapagal-Arroyo.

Dama ko ang sinseridad sa tinig ni Senator Richard Gordon. Sa kabila ng samu't-saring komento hinggil sa kanyang panukalang patawarin ang mga Abu Sayyaf, hindi siya nakitaan ng anumang klaseng bahid ng katiwalian o ng anumang di magandang asal sa harap nito. Isa siyang maginoo, sa pananaw ko. Ang tanong lang ng karamihan---handa na kaya tayo para sa isang Richard Gordon?

Mukhang malamlam ngayon si Loren Legarda. Inaasahan ko pa namang magkalapit sila ni Erap, na ilang araw lang ay sinabi niyang tanging puwersang aaniban niya sa pagtakbo sa 2010. Sa gabing ito, magkatabi sina Legarda at Chiz Escudero. Ibig bang sabihin nito, sila ulit ang magtatambal sa halalan sa ilalim ng Nationalist People's Coalition (NPC)? Yan na nga ba ang sinasabi ko. Pero, tingin ko, blessing in disguise pa rin ito. Dahil, maaga pa lamang, nakita na natin ang "teka-teka" attitude ni Loren.

Walang dudang handang-handa na si Erap para tumakbong muli bilang pangulo. Kumpara sa kanyang mga pahayag noong ANC Leadership forum, mas direktang sinasabi ni Erap ang kanyang kakayanan at intensyong manumbalik sa kanyang puwesto. Ang tanong--handa na ba tayo sa Erap restoration? Kung oo, handa ba tayong maipasailalim sa isang pamahalaan sa loob lamang ng tatlong taon?

Mukhang pagod naman sa biyahe itong si Chiz Escudero ngunit pagsampa pa lamang niya sa entablado, bumira na agad ang pinakabatang kandidato. Ang lagi ko lamang namang kritisismo sa kanya ay ang sinseridad sa kanyang mga salita. Tunay nga bang may lamang maganda ang kanyang mga bulaklaking pahayag? Tunay nga ba at taos sa puso ang kanyang naising mapaganda ang kalagayan nating mga Pinoy? Eksperto si Escudero sa P.R. Pero, sa kalaunan, ito bang klase ang kailangan ng taumbayan sa harap ng sanlaksa at sandamukal na suliraning kinakaharap natin?

Para namang magkapatid sina Governor Ed Panlilio at Mar Roxas. Kapwa nila suot ang Collezione Philippine shirt na pagmamay-ari ni Joey (secret ang surname) at disenyo ni Red. Alam ko, dahil kilala ko si Joey. Senyales ba ito na si Manong Ed ang magiging katambal ni Mar? Sayang. Mas maganda sana kung magsasanib puwersa sina Mar at Kiko, yan ang dream team.

Damang dama ko ang marubdob at malinis na hangarin ni Mar para sa ating bayan. Dangan nga lamang at maaga siyang sumubsob sa kampanya. May positibong epekto rin naman ang gayong istratehiya dahil pinatutunayan lamang niya na handang handa siyang tumayo para baguhin ang kasalukuyang kalagayan nating mga Filipino. Ang palagiang tanong lamang ay---handa rin ba siyang talikuran ang bilyong pisong kayamanan niya sakaling siya ang ihalal bilang pangulo?

Kung handang tumayo sa Plaza Miranda ang mga magigiting na mga kandidatong ito, ano naman kayang palusot ang sasabihin nina Bayani, Noli, Gibo at itik, este Villar?

Dahilan ba sa trapik at baha kaya hindi nakadalo si Bayani? Nagtatago ba si Noli sa takot dahil baka matanong sa kanya ang papalalang kalagayan ng housing sector sa Pilipinas? Kinakausap pa ba ni Gibo ang kanyang esposa para payagan siyang tumayo sa Plaza Miranda? O, natatakot si Gibo sa maaaring negatibong palahaw sa kanya ng mga Muslim sa Quiapo?

Ang pinaka nakakawalang gana ay ang patuloy na nag-isnab ni Manny Villar sa mga ganitong pagtitipon. Anung akala niya sa sarili niya, hari na? Oo, baka siguro sa Las Pinas. Pero, sa buong Pilipinas? Talagang nababastusan ako sa inaasal nitong si Villar. Bakit, ayaw ba niyang makilala siya ng lubusan ng taumbayan? Natatakot ba siyang mabulgar ang tunay niyang karakas?

Natatakot ba siyang matanong kung magkano ang kinita niya sa C-5 road scandal at papaano niya dinaybert ang daan para maambunan ng grasya ang mga pag-aari niya? Teka, ano nang nangyari sa ethics trial ni Villar? Bakit biglang nanahimik sina Jamby Madrigal at Senator Juan Ponce-Enrile, pati na ang magiting na si Senator Ping Lacson? Nabusalan na ba ng Camella ang mga bibig nila? O, me pag-uusap nang naganap sa pagitan ng mga nag-aakusa at ng inakusahan?

Sayang si Villar. Nalulungkot ako sa kinasasapitan niya sapagkat ang anak niya ay kasanib sa aming kapatiran. Ang duda ko, ill advised siya. Akala siguro niya, kahanay na niya si Erap na noong 1998 ay umiwas din sa mga debate at fora.

Malayo pa si Villar. Sa tingin ko, pambabastos yan dahil akala siguro ni Villar na kung nagagawa niyang busalan ang trapong midya ng kanyang pera, hawak na niya pati puso't abdo ng masa. Ang kawalang respeto ng isang katulad ni Villar na makadaupang palad ang mga maralita at ordinaryong mamamayan ay senyales lamang ng kung anong uring pamahalaan tayo sa ilalim ng isang big-time real estate magnate. Isang pamahalaang walang pagmamahal at konsiderasyon sa masang Pilipino. Pwe!