Bakit nga ba ganito sa Pilipinas? Bakit, sa kabila ng karangyaan at makamalikhain nating mga Pilipino kumpara sa ibang lahing Asyano, patuloy tayong nasasadlak sa kumunoy ng kahirapan? Hindi lamang hirap pang-katawan ang ating nararanasan, kundi na rin, kumakalam ang sikmura ng ating mga kaluluwa sa karukhaan ng ating kamalayan, maging kakulangan ng ating kaisipan.
Naaalala ko ang mga taong inilagi ko bilang estudyante sa Pamantasan ng Pilipinas sa Diliman kung saan nakaututang dila ko sina Prof. Jaime Veneracion at ang kagalang-galang na Dr. Zeus Salazar. Sila ang dalawang taong hinding hindi ko makakalimutan sapagkat sila ang nagpatibay sa aking kaluluwang pilosopikal. Hinding hindi ko rin makakalimutan si Dr. Mila Guerrero at Dr. Evelyn Miranda na mga butihing guro ko sa pamantasan na nagpaalab sa aking pagnanais na magsilbi sa Inang Bayan hanggang kamatayan.
Ang mga bakas ng aking paa ay gawang lilok ng mga natutuhan ko kina Miranda, Veneracion, Guerrero at lalong lalo na ni Zeus Salazar. Sa kabila ng mga batikos mula sa iba't-ibang panig ng akademya, patuloy kong pinaninindiganan ang aking marubdob na paniniwala sa ibinalangkas na Pang-Tayong Pananaw sa pamunuan ni Salazar.
Pangngalawang pangulo ako ng CSSP Student Council nang gawing dekano ng kolehiyo si Prof. Salazar. Ito'y panahon ng pagbabago, ika-apat na taon sa pamamahala si Cory Aquino at lumalagablab ang isyu ng socialized tuition fee sa unibersidad.
Thesis adviser ko si Dr. Salazar at aming sinaliksik ang kasaysayan ng San Juan. Ilang dipa na lamang ako sa gradwasyon sa pamantasan noon, sapagkat mula sa Political Science, lumipat ako ng kursong Kasaysayan, udyok sa akin ng aking mga kasamahan sa League of Filipino Students (LFS). Puro markang uno ang aking mga nakukuha sa Kasaysayan; kaya naman lohikal lamang na dito ako magpakadalubhasa. Kaya naman, nang ako'y nasasa ikatlong gradwado na, iilang yunits na lamang ang natira at ang ika-apat kong taon sa pamantasan ay mayroon na kaagad akong masteral units sa kursong kasaysayan. Dahilan dito'y hindi ako nahirapang makapasok bilang lecturer sa Social Science Department ng Pamantasan ng Pilipinas sa Manila, at maging sa Dela Salle University.
Sa kursong ito ko natagpuan ang aking minimithing kasagutan sa mga katanungan ko sa aking bayan. Bakit nananatiling hungkag ang diskurso hinggil sa mga suliranin ng Pilipinas? Bakit patuloy na alipin ng mga elitista ang buong Masang Pilipino?
Dahil nananatili tayong alipin ng maka-kanluraning pananaw, paliwanag sa akin ni Dr. Jaime Veneracion. Alipin tayo ng mga paradimeng dayuhan sapagkat imbes na tayo-tayo'y mag-usap at magpalitan ng kuro-kuro hinggil sa ating sarili, pilit tayong nagpapaliwanag sa mga dayuhang wala namang interes na makinig sa atin, sabi naman sa akin ni Dr. Salazar.
May malaking guwang sa pagitan ng maralitang Pilipino at mga elitistang nasasa kapangyarihan, kaya naman hindi tayo makapagsagawa ng mga pagbabago dahilan sa mayroong tila pader na naghihiwalay sa interes nila at sa interes ng nakararami.
Kailangang sisirin natin ang kaibuturan ng ating mga budhi at ilutang ang tunay na katauhan at katayuan nating mga Pilipino. Kailangang arukin natin ang ating mga indibidwal na kamalayan sa pamamagitan ng paggamit ng mga syentipikong pamamamaraang pang-analisis at ilitaw ang kolektibong kamalayan.
Ang Kamalayang ito ay siyang suma total ng lahat-lahat ng ating mga karanasan, ng ating mga nararamdaman, ng ating mga pangarap at ng ating mga nalalaman. Ito'y kamalayang mula sa bumubulwak na malinis na ilog sa burol ng kolektibong pananaw.
Kaya naman, naisip kong pausbungin ang pananaw na ito sa pamamagitan ng isa pang blog. Bubuhayin ko ang blog na http://bundokkkk.blogspot.com. Ito ang magiging pamana ko sa mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino--ang paalabin ang kanilang mga kaluluwa upang maging kaugnay namin sa Bagong Rebolusyong Pilipino.
No comments:
Post a Comment
Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!