Saturday, December 5, 2009

Dalawampung dipang libingan sa Maguindanao


Sa mainit na sikat ng araw, sumigaw ang mga biktima ng katapalansanan.
Hinarang sila ng mga kawatang suot-suot ay tanda ng kapangyarihan.
Ininguso ang mga baril sa kanilang mga mukha.
Ilan ay iginapos na parang tuta.
ang iba'y hinubaran ng kahihiyan
at halinhinang pinagsamantalaan.

sa isang sibilisadong lipunan, gayong karahasan ay nangyayari lamang sa kadiliman
ngunit sa isang nayon na kontrolado ng taong animal, asahan nang walang halal.

pinitpit ng backhoe ang kanilang mga sasakyan
pinutakti ng bala ang kanilang mga katawan
lahat sila'y di na makilala
dahilan sa bistay ng bala.

sa dalawampung dipang libingan
animnaput dalawa ang natagpuan
mga biktima ng salot sa lipunan
ngala'y Andal Ampatuan.

dating maliit na mayor lamang
ng isang baryong hindi nga kilala
ipinagpakilala sa mga kawatan ng pamahalaan
ni Simeon Datumanong na kaaanib ng pangulo
sa partido pulitikal.

sumipsip hanggang sa tumaba
ang lisang ngalan ay Andal Ampatuan
nangako na magdadala ng boto
sa pangulong walang panalo.

sinupalpal ng kamatayan ang mukha ng mga Maguindanaoan
isinailalim sa kalupitan at kawalang katarungan ang lupain ng mga bayani
isinugal ang karangalan ng mga Bangsamoro
kapalit ng kapangyarihan at saklaksang salapi.

lisa ngang naturingan,
lumaki na rin sa kasisipsip sa kaban ng bayan
kuto nang umusbong kapagka kalaunan,
naging warlord ng Maguindanaoan.

lahat ng bayan sa lalawigan, inangking parang pamilya
lahat ng barangay ipinangalan sa mga nasirang Ampatuan
lahat na rin ng kalsada, Ampatuan ang naka-marka
pati na siguro hangin, Ampatuan na rin ang nagdadala.

sumikip ang mga baga ng lahing Maguindanaoan
ilan sa kanila'y nagpasyang kitlin ang kahibangan
sa ilan na ito'y kamatayan ang naging kapalaran
sa ilan nama'y pilit idinaan sa halalan.

lahat sila'y matatagpuan
sa dalawampung dibang libingan.

kalayaan, o kalayaan, kailan matatagpuan?
sa bansang puno ng mga Ampatuan?
sa anumang dako ng kapuluan
mayroong taong kasing bangis
ng isang Ampatuan.

Ilang dalawampung dipang libingan
ang naroroon pa sa kanayunan
Ilan ring dalawampung dipang libingan
ang nakatago sa mga kalunsuran?

Halos isang daang kapwa ko dyornalista
ang itinapon ng estadong maka Ampatuan
sa mga dalawampung dipang libingan.
Ilang libo na ring aktibista
ang nakalasap ng lupit
ng estadong astang Ampatuan?

Lalaon din, sabi ni Ted Failon
na sisikat ang Araw ng Katarungan
ang sulong ginagamit sa mga bukirin
ang siyang magsasalba sa atin.

Sa ilalim ng Kadiliman
sa Siyam na Taong walang Paraluman
darating ang Araw ng Katarungan
kikitlin din ang estadong Ampatuan
at uusbong mula sa mga
dalawampung dipang libingan
ang mga Bagong Pilipinong may kapayapaan.

Patricio Mangubat
Disyembre 5, 2009
Tondo Maynila

No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!