Ang daan ba ay pagpapahinuhod ng maluwanay sa mga gahaman at mga hinayupak na magnanakaw sa administrasyong Arroyo? O, ipamukha sa kanila ang kalupitang naging karakter na ng kanilang pamamahala?
Kausap ko ang aking mga kapwa nangangarap ng isang Magandang Umaga at isa lamang ang naging sagot—kitlin ang kahibangan sa pamamagitan ng pagtayo at pakihamok.
Kung walang tatayo, kami sa Young Organizers’ Union (YOU), ang tagapagmana ng pakikibaka ng Young Officers’ Union (YOU), ang tatayo. Puputulin namin ang aming pagmamasid at sisimulan ang pakikihamok.
Kahiya-hiya sa mga susunod na henerasyon kung ang kasalukuyang mga nakababatid ng problema ngunit nananatiling tuod ay walang gagawin kundi ang magsulat at magbasa. Itigil na ang labanang pluma at simulan ang totoong pakikihamok.
Makikihamok kami sa larangang panghalalan.
Ikakalat namin ang mensahe ng pagbabago sa taumbayan.
Ipamamahagi namin ang liwanag sa kabila ng kadiliman sa mga kanayunan at kalunsuran.
At sa paglawak ng liwanag, darating ang Bagong Umaga!
Mabuhay ang mga Anak ng Bayan! Mabuhay yaong naghahasik sa Liwanag.
May bagong Pag-asang darating
Sa kanilang mga dumaraing.
Sa mga liblib na kanayunan at sa
mga madidilim na pasilyo ng kalunsuran
dadagundong ang tinig at yapak
ng mga Bagong Katipunerong
may dalang Liwanag.
Magkakaroon ng ilaw mula sa sulo ng aming mga puso
Magniningning ang mga sulok ng kapuluan
ng sanlaksang Liwanag.
Yaong mga ulila ng mapamuksang pamamahala.
Yaong mga inalisan ng katarungan
Yaong sadlak sa kagutuman.
Yaong walang kapayapaan.
Tugunin ang hamon ng Kasaysayan
Ipagsanggalang ang Taumbayan
Kunin ang sulo at makihamok
Bagong Pamahalaan ang iluklok.
Kakain ang mga api ng tatlong beses isang araw.
Kikitlin ang mga gahaman ng kanilang kinabubuhayan.
Iiral ang Kapayapaan sa lahat ng dako ng kapuluan.
May Bagong Umagang tiyak ang pagdating!
No comments:
Post a Comment
Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!