Sa mga kasamang naniniwala kay Villar, magandang araw sa inyo.
Yun bang pinagmulan lamang ng isang tao ang basehan ng ating pagsuporta? Na dahil ipinanganak sa Tondo si Villar ay isa nang malaking factor sa pagsuporta sa kanya? Nababasa ko sa Facebook ang inyong mga updates at kitang-kita na ikinakampanya ninyo si Villar at kinakalaban sina Aquino at Roxas na ang basehan lamang ay ang kanilang pagiging anak mayaman o ipinanganak na may gintong kutsara sa bunganga, ika nga. Ito ba talaga ang tunay na damdamin natin, o inililihim lamang natin ang tunay na dahilan ng ating pagsuporta sa partido ni Villar?
Hane, upuan nga natin ito at pag-usapan.
Ilan sa inyo ang hindi galing sa mayamang angkan o sa panggitnang uri? Sige nga, magsitayo ang hindi college student o college graduate sa inyo? Magsitayo ang hindi burgis sa hanay ng mga aktibista.
Bagamat idol ko si Ka Satur Ocampo at iboboto ko siya, hane, sinong magpapatunay sa akin ngayon na hindi siya nakakariwasa? Nakatira sa isang bungalow sa dating JUSMAG si Ka Satur, isang sabdibisyon ng mga nakaka-angat sa lipunan. Nakapag-aral sa mga matitinong unibersidad ang kanyang mga anak. Hane, mahirap ba siya?
Eh, papaano si Lisa Masa na iboboto ko rin, mahirap ba ang kanyang pinanggalingan? Hindi rin. Isa rin siyang burgis na tulad ng karamihan sa mga lider sa kilusan.
Ang ating batayan ba ng pagsuporta kay Villar ay ang kanyang pinanggalingan o yung kanyang pagpansin sa Makabayan platform? Mukhang yung huli ang punung dahilan bakit tayo sumusuporta kay Villar---dahil naniwala tayo sa pangako ni Ronnie Zamora na kaalyado natin sa Kongreso na mayroon tayong pusisyon sa Villar administration. Ngunit, nakatitiyak ba tayong hindi tayo aahasin o kaya'y gagantsuhin ng tambalang Villar-Zamora?
Batid natin sa likod ng pusturang pang-masa ni Villar at ni Zamora ay ang kanyang track record na anti-mahirap. Sige nga, pakisabi sa akin ngayon ang mga batas na para sa mahirap na ini-akda nina Villar at Zamora? Mabibilang ko sa daliri kung mayroon man.
Sa tinagal na panahong speaker at senate president si Villar gayundin noong Congressman naman si Zamora, pakisabi nga sa akin kung maraming beses silang umayon sa plataporma ng Makabayan o maski man lamang Bayan Muna? Mulat ba ang kamalayan nina Villar at Zamora sa mga ipinakikibaka nating mga nasasa kilusan?
Nabasa ninyo ba ang naging pahayag ni Villar sa mga opisyales militar na hindi niya pababayaang manalo sina Ocampo at Masa? Narinig at nabalitaan ninyo na ba ang commitment ni Villar sa PMA classes 1977, 1978, 79 at 84 maging sa mga UP brods ng kanyang kapatid na si Jojo Villar na kanyang iniaalis ang suporta sa mga "maka-kaliwa" gaya ng Makabayan? Tiyak kayong sasaksakin sa likod ni Villar kapagka nakapuwesto na ang pangkating Villar-Zamora. Alalahaning may rekord ang mga ito na anti-sosyalista noon pa mang sinisimulan nila ang kanilang karera sa pulitika.
Taktikal ika nga ang alyansa natin kay Villar ngunit ito'y isang maling taktika sa apat (4) na kadahilanan:
1. Una, ito'y alyansang gamitan. Ginagamit ni Villar ang inyong malinis na pangalan upang mapalapit sa masa, samantalang nasisira kayo sa inyong mga hanay at base bunga ng pagkasuklam ng taumbayan sa kanya. Batid nating napakabigat dalhin sa masa si Villar bunga ng mga kasalanan nito sa taumbayan.
2. Nakalutang sa hangin ang alyansa dahil hindi ito naka-angla sa paniniwalang ideolohikal, bagkus, ito'y isang political accommodation lamang. Marubdob ba ang paniniwala ni Villar sa Pambansa Demokratikong pakikibaka? Hindi. Interes lamang ng pangkating Villar-Zamora ang batid at tiyak na ibabandera ng NP sa sandaling makupo nito ang kapangyarihan.
3. Sa tiyak na pagkatalo ni Villar, mauuwi sa pagbibitak-bitak ang kilusan dahilan sa isa na namang maling taktika/istratehiya. Madadala ang kilusan sa tiyak na hayagang pagkakawatak-watak bunga ng paglusong sa pulitika ng Makabayan at sa mali pang partido nag-alyansa. Apektado ng negatibong publisidad ang sinumang nakadikit ngayon kay Villar. Kitang-kita sa pagbaba ng sarbey ang pagbaba rin sa rankings ng mga kilalang naka-alyansa kay Villar.
Ang nakalulunos isipin ay maiiwanan na naman ang kilusan sa sandaling magkaroon ng isang rebolusyunaryong pamahalaan sa pagputok ng isang civil disobedience campaign kung magkakaroon ng dayaan.
4. Sa gamitang Villar-Makabayan, talo ang Makabayan dahil unti-unting nalulusaw ang pinagpawisang gawaing organisasyunal ng Makabayan nitong mga nakaraang taon bunga ng umaalingasaw na pangalan at integridad ng dinadalang kandidato.
Kaya naman, sa ganito kaaga, nararapat lamang na itama ng liderato ng kilusan ang pagkakamali, at unti-unting humiwalay sa pangkating Villar-Zamora. May panahon pa at mayroon ding mga exit o escape routes na maaaring gawing basehan ng Makabayan upang humiwalay kay Villar gaya ng pagputok ng mga negatibong pangangampanya dulot ng pagpapakalat ng black propaganda ng hanay ni Villar.
No comments:
Post a Comment
Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!