Friday, April 30, 2010

Left-wing infantile disorder sa hanay ng Anakbayan Adamson

Hindi pa man umaani ng rebolusyunaryong tagumpay ang Anakbayan Adamson, umaasta nang extremista ang mga ito sa pagsasabing kailangang "markahan" bilang "anti-komunista" ang mga tulad kong nagbibigay ng komento o analisis sa tambalang Makabayan at pangkating Villar-Zamora. Moderasyon at hindi extremismo ang sosyalismo. Mukhang nararapat kayong tawaging may left-wing infantile disorder nyan at asta kayong pasistang gaya ni Hitler, hindi ni Lenin o Mao. Hindi pa man nakukupo ang tagumpay, astang pasista na ang mga miyembro ng Anakbayan matapos akong "markahan" bilang "anti-komunista" at bahagi raw ng "reaksyunaryong Cojuangco-Aquino".

Analisahin natin kung may basehan ang taguring "reaksyunaryo" sa hanay ng mga Aquino sampu ng mga naniniwala sa kandidatong ito.

Reaksyunaryo bang matatawag ang administrasyong Aquino lalo na sa pagtrato sa kilusan noong nasasa kapangyarihan pa ang dating Pangulong Cory Aquino? Kung ikukumpara sa administrasyong Ramos, Estrada at Arroyo o yaong post-Marcos regimes, mas kiling sa kilusan ang Cory administration kaysa sa mga sumunod na administrasyon. Ang Aquino administration lamang ang nagpakita ng sinseridad sa pagsusulong ng kapayapaan, nagpalaya sa daan-daang political detainees, kabilang na sina Ka Joma at Ka Satur at naging balancer sa military. Oo, sa mga huling araw nito, nagpakita ito ng kahinaan at naging kasapakat ng Estados Unidos ngunit kung susumahin ang mga naging hakbanging ginawa ng Aquino administration, mas lamang ito at tiyak na positibo pang matatawag kahit papaano kumpara sa mga sumunod na rehimen ng kalaban.

Kung susumahin, mas reaksyunaryo ang dinadalang kandidato ng Anakbayan Adamson bunga ng direktang pakiki-alam at partisipasyon ni Manny Villar sa mga gawaing tiwali ng kanyang mga tauhan sa kanyang mga kumpanyang tulad ng Vistaland at Camella Homes. Hindi ko na iisa-isahin ang kanilang rekord sa pangangamkam ng lupain, ng pagpatay sa mga katutubo at mga ordinaryong magsasakang kinamkaman ng kanilang mga sinasakang lupain sa Central Luzon, Southern Luzon, Iloilo at Mindanao para tayuan ng mga sabdibisyon, gayundin ang malakas na linyado at direktang pakikialam ni Ginoong Villar sa manipulasyon ng mga stocks nito sa PSE.

Kung mayroong Luisita si Noynoy, mayroong daan-daang Luisita si Villar. Ilang libong pamilya sa uring magsasaka ang sinira ng mga kumpanya ni Villar na mayroon siyang direktang partisipasyon? Ilang bilyong piso ang ninakaw at kinamkam ni Villar mula sa kaban ng bayan para lamang paboran ng pamahalaan ang paggawa ng mga daan tungo sa kanyang mga sabdibisyon? Ilang bilyong piso rin ang nakuha ng pamilyang Villar bunga ng binangkarote nilang bangko upang makakuha lamang ng mahigit 6 na bilyong pisong ginagamit ngayon sa kanyang pagkampanya?

Ilang beses ring nagpahayag si Villar ng kanyang naising sugpuin ang rebolusyunaryong kilusan at paduguin ito sa sandaling siya'y maging pangulo? Labingisang beses sa samut-saring venues sinabi na ni Villar ang kanyang pagkasuklam sa mga "maka-kaliwa". Ito ba ang kandidatong nararapat alayan ng buhay at panahon? Hindi.

Magkahintulad lamang sina Villar, Aquino, Estrada, Teodoro, Gordon at kung sino-sino pang nangangarap maging pangulo. Sila'y mga kinatawan ng mga naghaharing uring nagnanais na panatiliin ang bangkarote at naghihingalong estado mula sa banta ng rebolusyon mula sa masa.

Sila ang mga mukha ng diumano'y demokratikong pagbabago na isang hungkag na terminong inimbento upang pakalmahin ang nag-uumalab na damdamin at naisin ng masang Pilipino na makapaglunsad ng tunay na rebolusyon.

Sila ang mga pinusisyon ng uring naghahari upang mapanatili ang paniniwala ng mga Pilipino na magkakaroon ng pagbabago sa pamamagitan ng halalan. Ilang beses nang naghalalan sa Pilipinas, nanatili at bagkus, sumama pa ang kalagayan ng bansa.

Sa pagiging asong ulol at pagkatig ng maigi ng Anakbayan Adamson sa pangkating Villar-Zamora, pinapakita lamang ng mga musmos na ito ang kanilang kawalang pagkaintindi sa dinamismo ng pulitika sa ating bansa, gayundin ng kawalang kaalaman sa tunay na sosyalismo.

Kung mayroong dapat markahan ng pagiging anti-komunista, yan ay ang mga miyembro ng Anakbayan Adamson. Sila ang mga di tunay na sosyalista. Sila ang mga batang musmos pa lamang sa kilusan na umaastang may alam sa Komunismo at Sosyalismo gayung sa kanilang kinikilos ay mas maiging markahan silang pasista kaysa sosyalista.

Kung markahan lamang ang pag-uusapan, ngayon pa lamang, kailangang markahang ignoramus sa komunismo at taktikang pang-rebolusyon ang mga ito. Sosyalista bang matatawag ang isang grupong naniniwala pa rin sa halalan? Magbasa pa kayo ng mga akda ni Karl Marx para lumiwanag ang inyong isip na lumabnaw na dahil sa milyong pisong perang ambon sa inyo ng pangkating Villar-Zamora.

Na hindi eleksyon ninuman ang solusyon kundi isang nakapangyayaring rebolusyon.

Sa pagkatig ng maigi sa sinasandalang pader na bilyong pisong kinurakot na pera ng pangkating Villar-Zamora, pinatutunayan lamang ng Anakbayan Adamson ang kanilang lihis at tiwaling paniniwala, hungkag na nga sa kaalamang sosyalismo, kinakakitaan pa ng pagiging sindikato. Astang syndikalismo ang pinapakita ng grupong ito na nararapat lamang markahan bilang mga pekeng sosyalistang walang puwang sa tunay na kilusang rebolusyunaryo.

1 comment:

  1. i'm sure there was a reason behind their support for Villar. and if you're one of them i'm sure you knew it na. Pero sigurado akong hindi dahil sa ubod sya ng yaman, malakas sa tao at lalong hindi dahil sa sydikalismo. Yan ay ang tinatawag nating alyansa...lahat ng bagay ay mabuti at masusing pinaplano... tatanungin kita ngayon, for the sake ng nagdaang eleksyon, gugustuhan mo bang magkapangulo ng may utang na dugo? sangkot sa pagkamatay ng maraming magsasaka sa hacienda luisita? at sa pagkagutom ng maraming magsasaka sa tarlac? not to mention na hanggang ngayon hindi pa din nila makamit ang lupang dapat sa kanila at buong buhay na nilang sinasaka. pero alam naman natin na lahat ito'y tunggalian ng naghaharing uri. iisa lamang ang dahilan nila sa pagtakbo sa katotohanan. Yun ay hindi para maglingkod ngunit para mangurakot. TAMA? At ang punto ng lahat ng laban ng mga left wing orgs ay maipagtagumpay ang laban ng masa. kaya don't dwell on the fact that they supported villar. Alam naman natin na sila'y parepareho. ito ay aking opinyon lamang. ako ay isang adamsonian and i will never accept your critisicm. salamat.

    ReplyDelete

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!