Nakatanggap ako ng isang reaksyon sa Anakbayan Adamson na matapos sabihing amo ko si Noynoy Aquino at gusto ko lang daw makatanggap ng "mumo" dito, heto at nakikiusap na maging friends kami sa Facebook. Dalawang dila.
Nagalit ang mga Anakbayan Adamson sa komento ko sa mahina at walang kagana-ganang alyansa sa pagitan ng Makabayan at pangkating Villar-Zamora. At kailangan daw akong "markahan" bilang "anti-komunista".
Sino itong Anakbayan Adamson para markahan akong "anti-Komunista"? Sila'y mga batang musmos na walang alam sa kung ano ang maging isang "sosyalista", " komunista" o "anti-komunista". Dahil ba nagkokomento ako ng isang konstruktibong paraan, anti-komunista na ako? Na "nababaliw" na raw ako at hibang tulad ng Akbayan.
May kalayaan ang bawat isa na magbigay ng kuro-kuro sa mga nagaganap sa kilusan at tungkulin ng isang "komunista" o "sosyalista" na magbigay ng kanyang analisis sa mga bagay at payuhan ang mga kapanalig at kasama sa tunay at nararapat na landasing tatahakin tungo sa tagumpay.
Unang una, hindi ko amo ang pangkating Aquino-Cojuangco-Roxas at walang panahong akin silang pinapurihan ng hindi ko rin sila inaatake.
Mukhang mga musmos pa sa kilusan ang Anakbayan Adamson at kailangang parusahan sa kanilang mga sinasabi. Kaya hindi makasulong sulong ang rebolusyon ay dahilan sa mga tulad nitong mga batang "komunista" gaya ng mga miyembro ng Anakbayan Adamson.
Kahit kailan ay hindi ko siniraan sina Ka Satur at Liza Masa, alalaong baga'y kasama sila sa mga senatoriables na sinusuportahan ko. Maski sa blog post ko na inilathala sa Facebook, wala akong sinabing masama sa dalawang kandidato ng Makabayan. Ang sinasabi ko lang, mali ang naging desisyon ng Makabayan na makipag-alyansa sa NP, bunga ng mga bagay na nabanggit ko na.
Kaya kayo nalalagasan ng kakampi maging sa hanay ng masa, wala o kakaunti sa inyo ang nakababatid sa tunay na termino ng "komunista", "sosyalista" at wala rin akong panahong bigyan kayo ng paliwanag dahilan sa tingin ko, mumo lang kayo at walang sapat na katalinuhan upang lubusang maintindihan ang mga bagay-bagay, lalo na ang komunismo.
Nalantad lamang sa biradang ito ng Anakbayan Adamson ang tunay na lagay ng kanilang political work sa mga komyunidad---tunay silang umaaani ng masasakit na salita mula sa masa bunga ng kanilang pagka-tutang pagsandal sa perang ambon ng pangkating Villar-Zamora. Hindi ko lubusang maisip bakit ganun na lamang ang pagsamba ng Anakbayan Adamson kay Villar, na isang dambuhalang kapitalista at mang-aagaw ng mga lupain ng mga magsasaka at ordinaryong manggagawa. At hindi lamang basta-basta kapitalista--isang bilyonaryong gahaman sa kapangyarihan, isang labas ang dilang nag-aasam maging isang pangulo upang makapangamkam pa at maibalik sa kanya ang bilyong pisong ginastos sa kampanya, kabilang na siguro ang milyong pisong ambon para sa postering ng mga miyembro ng Anakbayan Adamson.
Mukhang gusto ng Anakbayan Adamson na magpatuloy ang C-5, ang panggigipit ni Villar-Zamora sa business community sa pamamagitan ng paggamit sa puwesto, maging siguro ang pagpapatag ng mga kabundukan upang patayuan ng mga sabdibisyon at high-rise condo buildings.
O, baka gusto ng mga miyembro ng Anakbayan Adamson na mabigyan sila ng mga maliliit na bahay na itinitinda ng Camella sa masa? O, siguro, napangakuan na ang mga ito ng mga bahay na karamihan ay walang palikuran.
Nabulagan na ba ng milyon-milyong pisong ambon mula sa pangkating Villar-Zamora ang Anakbayan Adamson at gayun na lamang ang silakbo ng kanilang damdamin sa sinumang magbibigay puna sa alyansang ito? O, batid nilang tunay ang aking sinasabi kaya sila parang asong ulol na nagmamarakulyo.
Kailangang magpaliwanag ang mga musmos na ito sa kanilang liderato at alamin kung naging tama o isang seryosong pagkakamali ang kanilang naging komento sa aking sinulat. Kung mabatid nila ang katotohanan, isa lamang ang aking mapapayo sa mga musmos na ito--mag-aral nang mabuti hane para gamay ninyo ang tumpak na kilos sa mga komentong ganito sa hinaharap.
No comments:
Post a Comment
Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!