Bakit walang bayag o ngipin man lamang ang administrasyong Aquino laban sa mga umaabusong mga kumpanya ng langis?
Hindi totoo ang sinasabi ni Deputy presidential spokesperson Abigail Valte, na inutil o walang magagawa ang pamahalaan laban sa mapaminsalang pagtataas ng presyo ng langis ng mga dambuhalang oil companies. May ngipin ang Oil Deregulation Law. Kayang magsampa ng kaso laban sa mga kumpanyang ito ang sinumang pamahalaan. Dangan nga lamang na ang mga kumpanya ng langis, sampu ng mga kumpanyang naglalako ng mga produktong "makasalanan" at "mapamuksa" ay siya ring malalaking financiers at lobbyists na nagpapa ambon ng regalo sa mga opisyal de gobyerno sa panahon ng "gipitan" kumbaga.
At tila sa kasaysayan ng pakikipagsambuwatan ng pamahalaan sa mga dambuhalang kumpanya ng langis, wala ni isa mang tagumpay na nakuha ang pamahalaan para sa ating mga naghihirap na mamamayan. Ang kakarimpot na umento, na siya lamang mumo sa kita ng mga kumpanyang ito ang palagiang pinamamarali ng pamahalaan sa panahong mainit ang dugo ng mamamayan. Ngunit, kung tutuusin, walang tagumpay ni isa lamang para sa taumbayan ang pamahalaan.
Pansinin din na hindi lamang iisang panahon nilabag ng mga kumpanyang ito ang mga umiiral na batas ng ating pamahalaan. Halos panay-panay ang paglabag ng mga oil companies sa deregulation law. At sa bawat paglabag, inutil ang pamahalaang Aquino sa mga ito.
Kung nilalabag ng mga kumpanya ng langis ang batas, at tila talagang walang paggalang sa konsepto ng panlipunang kagalingan, anupa't ginagalang ng sambayanan ang mga kumpanyang ito?
Hamon ito sa mga tunay na nagmamahal sa Inang Bayan. Hamon ito sa mga rebolusyunaryo ng makabagong panahon.
Ngayong kompromiso na ang Akbayan at tila isang tutang sunud-sunuran sa Aquino Corporatist State (ACS), may maaasahan pa kayang tinig o sigaw o isang nakapangyayaring pangyayari sa ibang mga grupo, lalo na ang PM, Partido Lakas ng Masa (PLM), BayanMuna at Kadamay?
May sigaw bang maririnig sa hanay ng Kilusang Mayo Uno, Bukluran ng Manggagawang Pilipio at ilan pang mga militanteng hanay? O nabusilan na rin ng mga matatamis na pangako mula sa administrasyong Aquino ang mga ito?
Nasaan ang mga tagapagtanggol ng panlipunang kagalingan? Nabusilan na ba ang kanilang mga bibig ng mga pangakong pulitikal? Nawalan na ba ng ideolohiyang giya ang kilusan?
No comments:
Post a Comment
Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!