Wednesday, July 20, 2011

57 buhay kapalit ng kapirangot na impormasyon?

Kasalukuyang nasasa heart center si dating Maguindanao governor at suspect sa Ampatuan massacre na si Zaldy Ampatuan. Batay sa ulat, marami daw dinadamdam ang nasabing masaker suspek. Tanong: pahiwatig ba ito sa kanyang dating boss na si Gloria Arroyo na nagdurugo ang kanyang puso dahil para siyang kuting na iniwan nito?


Kung ano man ang dinadamdam ni Ampatuan, makatarungan sigurong manatili siya sa kulungan. Yan ang kabayaran ng mga taong nagkakasala o maski naman ng mga taong napaghihinalaan pa lamang na nagkasala.


Yan ang dikta ng ating batas. Yan din ang dapat respetuhin at ipatupad.


Kung ordinaryong detainee lamang siguro si Ampatuan, baka nagpadala na lamang ng doktor sa kanyang selda ang pamahalaan. Ngunit, hindi ito ang nangyayari.


Kuntodo deny ang Malakanyang na mayroong kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at si Zaldy Ampatuan. Ngunit, kitang kita ang biglaang pagbabago sa pribilehiyong ibinibigay ng pamahalaan sa dating gobernador.


Mahalagang asset daw ng pamahalaan itong si Ampatuan, maraming nalalaman na maaaring maglagay sa kulungan sa dating pangulong Arroyo sampu ng mga alipores nito. 


Ang tanong naman--kung ang impormasyon naman ni Ampatuan ay hinggil lamang sa dayaan sa halalan, makatarungan bang ipagpalit dito ang limamput pitong buhay na nalagas dulot ng kasakiman sa kapangyarihan?


Kung may timbangan, mas mabigat ba ang testimonya ng isang kasapakat sa kasalanan kasa paghingi ng katarungan ng limamput pitong naulila ng mga mahal sa buhay?


Masama ding ehemplo ang ipinapakita ng mga eksenang ito na sangkot si Ampatuan at ang administrasyong Aquino---mahihilom ba ng isang mali ang isang naging kamalian at kabuktutan? 


Alam na ng lahat na isang pekeng pangulo si Arroyo mula ng dinaya nito ang mga halalang 2004 at 2007. Hindi na rin bago sa pandinig ng masa na nagpalitan ng pera  at ginamit ng dating administrasyon ang buwis ng madla upang manatili ito sa kapangyarihan.


Kung hindi naman ganoon kahalaga ang sasabihin ng mga Ampatuan, bakit kailangang isawalang bahala ang katarungan?

No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!