Ano ang nararapat ipalit sa bangkarote at gahamang rehimeng Arroyo? Batay sa aking analisis, nararapat itayo ang isang Pambansang Koalisyong Gobyerno na magsusulong ng open democratic principles sa panahon ng transisyon, mula sa rebolusyunaryong sitwasyon tungo sa eleksyon sa Mayo 10, 2010.
Kapagka napatalsik sa puwesto si Arroyo, kailangang agarang itayo ang People's Tribunal na magsasampa ng kaso laban sa kanya at kanyang mga alipores, tulad ng ginawa ng South Africa pagkatapos ng apatheid o iyong ginawa ng mga allied forces nang sumuko ang NAZI Germany sa ilalim ni Hitler.
Kailangan ang agarang pagtatayo ng isang Unity Government na siyang magiging pamahalaan sa panahon mula sa araw ng pag-alis ni Arroyo sa puwesto hanggang sa eleksyon sa 2010. Ibig sabihin, mayroong higit sa anim na buwan na nararapat na pangunahan ng koalisyong gobyerno ang pamahalaan. Ano-ano ang nararapat na hakbanging kailangang isakatuparan ng gobyernong ito?
Una, ang agarang pag-aresto at pagpapakulong sa mga galamay ni Arroyo. Kailangang sagutin nila sa People's Tribunal ang mga krimeng ginawa nila laban sa Sambayanang Pilipino.
Ikalawa, ang pagpapaunawa sa mga bansang alyado ng Pilipinas na tuloy ang relasyon ng ating bansa sa kanilang bansa at pangangatawanan ng Pilipinas ang mga commitments nito sa kabila ng agarang pagpapalit ng pamamahala.
Ikatlo, ang pormal na pagbuo ng koalisyong gobyerno. Ano ang nararapat na istruktura ng pamahalaang ito?
Bilang koalisyon, kailangang magkaroon ng aktibong partisipasyon sa pamamahala ang mga partido pulitikal gayon din ang mga People's organizations at NGOs. Magkakaroon ito ng isang Council of Elders na pamumunuan ng mga dating lider pangulo, na ang tanging papel ay Tagapayo.
Isang komite ehekutibo ang nararapat itayo na pamamahalaan ng mga kinatawan ng mga partido pulitikal. sa komiteng ito, maghahalal ng isang tagapagsalita na ang tanging papel ay maging kinatawan ng buong pamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa mga dayuhang bansa. Siya rin ang tatayong lider ng pamahalaan sa panahon ng rebolusyon. Hindi rin pahihintulutan ang kanyang pagtakbo sa halalan sa 2010.
Ang komiteng ito ang siyang maghahalal ng mga hahalili sa babakantehing posisyon ng mga kabinete ni Arroyo. Gagawing korporasyon ang mga sangay at ahensya ng pamahalaan. Sa bawat sangay at ahensya, ipapasok ang dalawang grupong ang tanging hangad ay rebyuhin at magpanukala ng mga pagbabago o kaya'y magpanukala ng mga paraan kung papaano mas lalong paiibayuhin ang serbisyo publiko. Ang dalawang grupong ito ay bubuuin ng mga kinatawan mula sa pamayanang akademiko at civil society.
Papayagang manatili sa kanilang mga puwesto ang mga lokal na opisyal de gobyerno maliban na lamang kung mayroon sa kanilang kontra rebolusyon. Tulad ng ginawa ni dating Pangulong Aquino, aalisin sa kapangyarihan ang mga anti-rebolusyon at bibiyakin ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapaupo ng mga officers-in-charge.
Gayundin naman, wawalisin ang mga natitirang galamay ni Arroyo sa hanay ng militar at pulisya.
Isang constitutional review group ang itatayo na ang magiging kinatawan ay ang mga miyembro ng civil society, academic community at political parties na ipinalubog sa mga ahensya at sangay ng pamahalaan. Magiging papel nila ay ang pagrebyu sa mga probisyon ng Saligang Batas at pagbuo ng mga panukala sa pagpapalakas nito. Ang mga panukalang ito ang siyang ilalatag sa Sambayanan sa halalan ng 2010.
Itutuloy ang paghalal ng magiging Pangulo ng bansa sa 2010. Sa sandaling makapanumpa ang bagong pangulo ng bansa, unti-unting bibiyakin ang komiteng ehekutibo NGUNIT, hindi babaguhin ang istruktura ng partisipasyon ng civil society at academic community bilang mga advisers sa bawat sangay at ahensya de gobyerno. Ipagpapatuloy ng mga grupong ito ang aktibong papel sa prosesong operasyunal ng mga sangay de gobierno.
Magiging impormal din ang papel ng Council of Elders. Ipapanatili ang kanilang grupo ngunit ito ay sadyang naroroon upang maging tagapayo lamang ng bagong pamahalaan.
Patatapusin ang termino ng bagong pangulo ngunit pagdating ng 2016, kailangang handa na ang bansa sa pagpapalit sa sistema de gobierno. Sa aking palagay, hinog na sa prosesong parlamentaryo ang mga mamamayan pagdating ng panahong ito.l
No comments:
Post a Comment
Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!