Ang salitang “kolorum” ay unang ginamit noong panahon ng Kastila bilang tukoy sa mga Pilipinong rebelde. Ngayon, maririnig mo ang salitang ito bilang tukoy naman sa mga iligal na pribadong sasakyang kumukuha ng mga pasahero. Isa ito sa mga problemang nais umanong solusyunan ng LTO. At ginagamit itong dahilan ngayon para sa isang 2 bilyong pisong proyektong tinaguriang RFID or Radio Frequency Identification.
Mula na rin mismo sa bibig ng LTO, mayroong 340,000 kolorum na sasakyan. Alam naman pala nila kung ilan, bakit hindi isa-isahing hulihin? Walang saysay kung gayon ang RFID dahil ngayon pa lamang batid na ng pamahalaan kung ilan talaga ang mga tropang kolorum. Ang kailangan ng LTO mga taong huhuli, hindi RFID.
Kolorum din sa paningin ang mga naglipanang mga sasakyang nagbubuga ng masamang usok. At ito rin ang dahilan bakit kinakailangan daw ng LTO ang RFID. Ang kasamaan nito, hindi naman kailangan na ang RFID dahil biswal naman ang gamit ng mga anti-pollution teams sa paghuli ng mga sasakyan. Mata lamang, maa identify mo na ang violator.Hindi na kailangan pang may RFID.
Kolorum din siguro sa paningin ng LTO ang mga humaharurot na sasakyan, kaya naman kailangan ang RFID para sa paghuli ng mga ito. Pero nga, limitado rin ang range o layo na maaaring ma detect ng RFID at sa pag amin mismo ng LTO at Stradcom, ang ahensyang nagpanukala at kikita ng mahigit P 600 milyong piso para dito, sampung metro lamang ang kapasidad sa deteksyon ng RFID.
Kolorum din naman sa paningin ng marami na tanging Stradcom lamang ang ahensyang makapagpapanukala ng mga proyektong ganito sa LTO. Talaga yatang anak ng Dios ang Stradcom at wala nang ibang matalino sa Pilipinas, gayong aminado din ang Stradcom sa commercial nila na hiram na ideya lamang ang RFID sa Singapore. Wala namang inobasyong dala ang Stradcom at ang tanging katangiang dala-dala nito ay ang pagiging kaututang dila ng mga taga-LTO at DOTC. Napaka sangsang na pagnenegosyo kung wala kang ibang lakas kundi ang pagiging sipsip.
Kolorum din ang pagpipilit ng LTO na mangulekta ng 350 pesos kada istiker na may RFID sa mga motorista, kasama na pati nag momotorsiklo, gayong sa halagang 80 pesos lamang sa Singapore, mayroon ka nang similar na istiker na RFID. Sabi ng Stradcom-LTO, mayroon daw ispesyal na katangian ang RFID, gayung sa bibig na nila nagmula na ang tanging laman lamang ng microchip ay vehicle information at wala nang iba.
Tanga na lamang tayo kung papayag tayong magbayad ng 350 sa isang istiker na halagang 80 pesos lamang. Malinaw na malinaw na isa itong kagaguhan.
At talaga yatang gusto ng pamahalaang ito, sa pamumuno ng LTO, na muling lumaki ang rango ng mga kolorum dahil tiyak kong alsa at isang nakapangyayaring rebolusyon ang magaganap sa sandaling ipilit ng STRADCOM-LTO ang proyektong ito.
Malaking sampal sa katalinuhan ng Pinoy kung pipilitin ng pamahalaan na tanggapin ng madla ang legal na kotong na ito. Hindi na nga katanggap tanggap na tumataas ang presyo ng gasolina ng walang kaabug-abug. Hindi na rin katanggap-tanggap ang ilang mga buwis tulad ng VAT na ipinapataw sa bawat mong galaw sa bansang ito. At hindi na rin talaga matatanggap, at alalaong baga’y kasula-sulasok na ang napakataas na presyo ng mga bilihin at mga ispare parts ng mga awto, heto, at pipilitin tayong tanggapin ang isang proyektong malinaw na PANDARAYA at LEGAL NA PANGONGOTONG.
Handa ang taumbayan na mag-alsa laban sa pamahalaang ito sakaling ituloy nila ang RFID. Tama na ang pagiging anak ng karnal at demonyong dios ang Stradcom, na palagian tayong dinadaya at inuulol. Tama na rin ang pangongotong sa atin ng mga opisyales de gobyerno. Panahon na para kitlin ang kotong mentality sa mga ahensya de gobyerno.
No comments:
Post a Comment
Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!