Nakababahala ang nagaganap sa ating bansa. Isinailalim sa batas militar ng isang Pangulong gumon sa kapangyarihan ang isang lalawigan sa kabila ng kawalan ng basehan dito.
Ang pahayag ng batas militar ay direktang pambabastos sa Saligang Batas gayundin sa liderato ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Pambabastos sapagkat hindi isinaalang-alang ni Ginang Arroyo kung mayroon ngang sapat na basehan upang gamitin ang kapangyarihang ito.
Pambabastos din sa liderato ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sapagkat bago pa man isinailalim sa batas militar ang Maguindanao, halos sapat na ang puwersang ipinadala ng hepe ng AFP na si General Victor Ibrado upang kontrolin ang sitwasyon.
Sa hanay ng Young Organizers' Union, kabilang na ang Young Officers' Union (Y.O.U.), ipinapahayag namin ang aming mariing pagtutol sa pagsasailalim sa Maguindanao sa batas militar. Ang aksyong ito ni Ginang Arroyo ay palatandaan lamang na nais niyang manatili sa puwesto.
Panahon na upang maipagpatuloy ang aming nasimulang pakikibaka noong 1986. Panahon na upang maipagsanggalang ang Sambayanang Pilipino laban sa mapanira at mapamuksang pamamahala ni Arroyo.
Tumitindig muli kami laban sa batas militar. Tumitindig muli kami upang maipagpatuloy ang pakikibaka ng Sambayanan.
Tumitindig kami dahil ayaw naming muling masadlak sa madilim na kinabukasan ang Inang Bayan.
Patricio Mangubat
Pangkalahatang Kalihim
Young Organizers' Union (YOU)
Carlos Maglalang
Founder at Spokesperson
Young Officers' Union (YOU)
No comments:
Post a Comment
Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!