Friday, February 28, 2014

Janet Lim-Napoles at mga Kampon nito--inaabswelto ng pagkalimot sa tagal ng Hustisya

Anong pinanghahawakan ni Janet Lim-Napoles at patuloy ang royal treatment sa kanya ng mga taga administrasyon? Habang dinidribol mismo ng kampo ni Napoles at maging ng pamahalaan ang taumbayan upang palabnawin at upang makalimutan na ng nakararami ang bilyon-bilyong pisong nakawang naganap nitong ilang taon, mukha ngang nagkakaroon na ng epekto sa atin ang napakatagal at pinahahabang usaping ito upang maging alaala na lamang ito sa 2016.

Masakit dito, maging ang mga nagsasabing sila ang tunay na makabayang puwersa sa lipunang Pilipino, tikom din at tila tiklop tuhod silang nananahimik sa usaping ito. Ito ba'y bunsod ng utos ni Joma Sison sa mga puwersang ligal na manahimik habang pinaplantsa ang muling panunumbalik ng usaping pangkapayapaan? Ito ba ang kapalit sa pananahimik ng mga grupong maka-kaliwa sa hanay ng Bayanmuna at maging iba pang mga progresibong grupo?

Kung tila pipi ang BayanMuna sa usapin ng Spratlys island, mukha namang bulag sila sa usapin ng malawakang nakawang bayan sa pamumuno ni Janet Lim-Napoles.

Malinaw na handa ang kampo ni Napoles, sampu ng kanyang mga kliyenteng pulitiko, kanilang mga publisista't mga bayarang opisyales de gobyerno, na magbuwis ng ilang milyong piso kapalit ng pagpapalabnaw sa usaping ito. Malinaw din na hindi sila uurong at ipagtatanggol ang nakaw nilang ilang bilyong piso.

Mayroon na kasing isang halimbawa na naibaon na rin sa limot bunga ng samu't-saring isyung pang sikmurang mas iniintindi ng masang api---ang kaso ng katiwalian ni General Garcia at maging ng kanyang kaibigang si General Ligot. Kapwa naibalik sa kanila ang milyong milyong pisong diumano'y kanilang kinurakot sa kaban ng mga sundalo. Matapos lamang ang maikling pagputok nito sa kamalayang masa, unti-unti na itong nanahimik nang naisampa sa korte ang kaso, at dumaan ang ilang taon at sadya nang ibinaon ito sa limot.

Ngayon, maligayang naglalaro na lamang ng golf ang mga ito, kasama ang kanilang mga kasapakat na nagpapakasaya sa kanilang mga nakurakot na kayamanan. At yaong mga Pilipinong nagbuwis ng kinabukasan upang mabuksan sa mata ng masa ang kanilang mga kabuktutan, sila ngayon ang nagdurusa sa kalaunan.

Isa pang maliwanag na kaso ay yaong kay Agriculture undersecretary Jocjoc Bolante na nagtangka pang tumakbo sa isang posisyong pampulitika matapos akusahang nagnakaw at ngayon ay tahimik na nabubuhay mula sa pinaghirapang buwis ng taumbayan. Maging ang kanyang boss na si dating Agriculture secretary ay tila nalinis na rin ng pagkalimot.

Pansinin--sa mga naakusahang nagdambong sa kaban ng bayan, maging yaong mga maliliit na personalidad sa burukrasya, wala ni isa man sa kanila ang napatawan ng kamatayan, kundi, nagbuwis lamang sila ng kaunting panahon sa kulungan, malayo sa mga dinadaras ng mga ordinaryong magnanakaw na isang kulungang balot ng kadiliman at kawalang pag-asa.

High profile suspect nga silang matatawag at ang kawalang hustisya sa mga kaso nila ay nagpapatingkad sa katotohanang ang katiwalian ay institusyunal na at isang bahagi sa pagtuloy na paggalaw ng burukrasya.

Ang katiwalian ay tila bagang engine oil ng burukrasya upang makagalaw ito ng mas mahusay. Dikit na ito sa sistema at ang tanging paraan upang makatikim naman ng kaginhawaan at katarungan ang taumbayan ay ang pagwasak sa sistemang nagpapataba sa katiwalian.

Walang ibang makakagawa nito kundi mga Pilipinong may malinis na konsensya, may marubdob na pagmamahal sa Inang Bayan at handang ibuwis ang kanilang mga buhay kapalit ng katarungang pambayan.

Ang hustisyang alam ng burukrasya ay isang sampal sa tradisyon ng Pinoy. Ito ay isang peke at hipokritong pamamaraan ng pagpaparusa.

Walang ibang paraan upang masuklian ang pagkauhaw ng taumbayan sa katarungan kundi ang pagpapataw ng kaparusahang kamatayan sa mga taong mapatunayang nagnakaw ng pera ng taumbayan. Sa ganang akin, ang kasalanang ito ay siyang pinakamabigat na krimeng maaaring gawin ng isang mamamayang Pilipino. Kaya naman, walang ibang paraan kundi suklian ito ng isang parusang sisikil sa kanyang buhay sampu ng buhay ng kanyang mga kaanak at pamilyang nakinabang sa kanyang pagnanakaw. Yan ang parusang nasasaad sa Bibliya at bilang isang kristiyanong bansa, kailangang ipatupad ng Pilipinas ang parusang ito kina Napoles at mga kampon nito bago mahuli ang lahat at kung mapatunayang sila ay tunay na nagkasala.


No comments:

Post a Comment

Thank you very much for reading my blog. You inspired me. But if you intend to put your name "anonymous", better not comment at all. Thanks!